top of page
Search
BULGAR

Paul, nag-init sa overtime; Durant, balik Nets, nandurog

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 9, 2021




Kinailangan ng overtime bago nanaig ang Phoenix Suns sa numero unong Utah Jazz, 117-113, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Phoenix Suns Arena. Naging mahigpit ang tapatan ng dalawang koponan na may pinakamataas na kartada sa liga at umakyat ang Suns (36-14) sa kanilang ika-pitong sunod na tagumpay at nakalapit sa Jazz (38-13).

Nagtrabaho ng husto ang beteranong si Chris Paul sa 16 ng kanyang 29 puntos sa fourth quarter at overtime. Nanguna sa Phoenix si Devin Booker na may 35 puntos.

Nagdiwang ang numero uno sa Eastern Conference Brooklyn Nets sa pagbabalik ni Kevin Durant at dinurog ang New Orleans Pelicans, 139-111. Nagtala ng 17 puntos si Durant bilang reserba upang tulungan sina Kyrie Irving na may 24 at bagong pirmang si LaMarcus Aldridge na may 22 para sa kanilang pang-anim na panalo sa huling pitong laro at kartadang 36-16.

Nakamit ng Boston Celtics ang mahalagang tagumpay sa New York Knicks, 101-99, upang kumalas sa kanilang tabla para sa ika-7 at ika-8 puwesto sa East. Parehong double-double ang mga All-Star na sina Jaylen Brown na may 32 puntos at 10 rebound at Jayson Tatum na may 25 puntos.

Humataw ang Denver Nuggets sa 4th quarter upang mabigo ang San Antonio Spurs, 106-96. Nanguna sina Nikola Jokic na may 25 puntos at Michael Porter Jr. na may 18 puntos.

Matapos gulatin ang Jazz noong isang araw, nag-iba ang timpla ng Dallas Mavericks at pinadapa sila ng Houston Rockets, 102-93. Uminit si John Wall para sa 31 puntos at sinundan ni Christian Wood na may 22 puntos.

Nagtala muli ng triple double si Russell Westbrook upang buhatin ang Washington Wizards kontra sa Orlando Magic, 131-116. Nagtapos si Westbrook na may 23 puntos, 14 rebound habang nanguna si Bradley Beal sa 26 puntos.

Tinambakan ng Memphis Grizzlies ang Atlanta Hawks, 131-113,para sa kanilang ika-apat na sunod na panalo. Nagbagsak ng 30 puntos si Grayson Allen.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page