top of page
Search
BULGAR

Patuloy na suporta sa mga atletang Pilipino, pagkakaisa at puso tungo sa tagumpay!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 14, 2022


Noong Lunes, Setyembre 12, bilang Chair ng Senate Committee on Sports ng 19th Congress ay pinangunahan ko ang unang pagdinig ng ating komite. Muli kong binigyang-diin ang aking walang humpay na suporta at pangako para isulong at palaganapin ang nationwide grassroots sports development program sa pamamagitan ng paglikha ng mahahalagang polisiya, programa at batas para sa pagsuporta sa ating mga atleta.


Tulad ng madalas kong sabihin, sa pamamagitan ng pag-i-invest sa sports, hindi lang tayo makatutuklas at makahahasa ng mga world class athletes. Isang paraan ng pagpapatuloy ng kampanya laban sa ilegal na droga itong pag-engganyo sa ating mga kabataan “to get into sports and stay away from drugs”.


Kapag bumibisita ako sa mga komunidad, palagi kong ipinapaalala sa kabataan na umiwas sa ilegal na droga at sa halip ay ibuhos ang oras nila sa eskwela at iba pang produktibong gawain, tulad ng sports. Namimigay din ako ng mga sapatos, bola at iba pang kagamitan para maengganyo silang lumahok sa mga larong pampalakasan.


Sa ginanap na hearing ay pinag-usapan, kasama ang mga manlalalaro, organizers, coaches at sports officials, kung paano pa mas makatutulong ang gobyerno sa ating iisang hangarin na magtagumpay pa sa international competitions. Dapat nating masiguro ang kahandaan ng buong sambayanan dahil karangalan at pangalan ng bansa natin ang nakataya.


Kaugnay din ito ng ating ginagawang paghahanda bilang host ng 2023 FIBA World Cup kasama ng Japan at Indonesia. Dapat nating ibigay sa ating national team ang buong suporta para maipakita sa buong mundo na kaya pa rin nating maghari sa sports sa Asia. Nakita ninyo naman noong Agosto 29 sa laban ng Gilas Pilipinas sa Saudi Arabia, naroon ang hometown crowd at talagang ipinakita ninyo ang inyong pusong manalo sa laban na iyon. Kailangang hindi mawala sa atin ang momentum.


Iyon din ang dahilan kaya isinumite ko ang Senate Resolution No. 83, kasama ang mga kapwa ko senador na sina Mark Villar, Francis Tolentino, Joel Villanueva at Alan Peter Cayetano, para alamin ang iba pang paraan para masuportahan ang Gilas Pilipinas.


Bilang paghahanda pa rin sa 2023 FIBA World Cup, naglaan ang Kongreso ng P65 milyon sa 2022 budget ng Philippine Sports Commission. Tamang-tama na si Chairman Noli Eala ang namumuno ngayon sa PSC na dati ring commissioner ng Philippine Basketball Association. Tiwala ako na gagawin niya ang kanyang makakaya para matiyak na tagumpay ang ating pagiging host ng FIBA World Cup.


Kabilang din sa ating paghahandaan sa 2023 ang SEA Games at Asian Games. Kailangang mahikayat natin ang ating pinakamahuhusay na atleta na maging bahagi ng ating national teams. Nabalitaan ko na marami sa kanila ang pinipirata at kinukuha ng ibang bansa dahil maaaring mas malaki ang oportunidad doon. Pag-aaralan natin kung paano masusuportahan ang ating mga atleta para patuloy nilang dalhin ang ating bandila sa international competitions.


Natutuwa naman ako na noong Lunes ding iyon ay nag-co-sponsor ako ng Senate Resolution bilang parangal kay Alexandra "Alex" Eala, na gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipinang tennis player na nagwagi ng juniors singles Grand Slam matapos talunin ang kanyang katunggali sa ginanap na US Open Girls singles title sa New York City.


Si Alex ang kasalukuyang may hawak ng tatlong junior Grand Slam titles matapos magwagi sa girls doubles titles sa 2020 Australian Open at sa 2021 French Open. Nagwagi rin siya ng bronze medal sa 31st Southeast Asian Games.


Produkto si Alex ng grassroots sports development, at nagsimula siyang maglaro ng tennis noong apat na taon pa lang siya. Nakakatuwa na kapag suportado ang hilig at pagsasanay ng ating atleta ay malayo talaga ang nararating.


Ito ang isa sa mga dahilan kaya sa 18th Congress, kasama ang mga kapwa senador, ay naipasa ang Republic Act No. 11470 para itatag ang National Academy of Sports. Isa po talaga sa mga pangarap ko ang pagkakaroon ng National Academy of Sports na kumpleto sa makabagong pasilidad, silid-aralan at tirahan ng ating mga scholar at nakabatay sa international standards. Bukod sa paghasa sa ating kabataan sa larangan ng sports, pagkakalooban din sila ng de-kalidad na edukasyon. Mag-aaral sila, makapagsasanay sa kanilang sports discipline at hahasain bilang kinatawan ng bansa sa international competitions.


Inihain ko rin ang resolusyon na nagbibigay-pugay sa Philippine National Muay Thai Youth Team o “Team Bagsik” matapos ang matagumpay nilang pakikilahok sa 2022 International Federation of Muay Thai Associations Youth World Championships. Nakapag-uwi ang ating mga atleta ng labinlimang medalya mula sa naturang torneyo—walong ginto, anim na pilak, at isang tanso. Personal silang pinarangalan sa sesyon ng Senado matapos kong i-sponsor ang naturang resolusyon.


Inihain din natin ang Senate Resolution No. 84 noong Agosto 1 bilang pagkilala kay Davemark “Dave” Apolinario na nasungkit ang International Boxing Organization flyweight crown laban kay Gideon Buthelezi ng South Africa. Dagdag rin dito ang ating inihain na Senate Resolution No. 136 bilang pagkilala sa pagkapanalo ng isa pang boxer na si Carl Jammes Martin.


Sinuportahan ko rin ang Senate Resolution No. 127 na kumikilala sa mga naging ambag ng namayapang si Lydia de Vega na tinaguriang isa sa pinakamabilis tumakbong babae sa buong Asya.


Lahat ng atleta, at kahit ano ang kanilang nilalaro, buong-buo po ang ating suporta.


Umaasa ako na sa mga ginagawa nating pagsisikap para masuportahan ang ating mga atleta ay maraming kabataang Pilipinong manlalaro ang makikiisa sa ating mga inisyatiba at programa, at ibibigay ang kanilang buong puso at makakaya para muling pakinangin ang pangalan ng Pilipinas sa larangan ng sports sa buong mundo.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page