top of page
Search
BULGAR

Patuloy na pamamahiya online ng mga nagpapautang sa ‘di makabayad, dapat tugunan!

ni Ryan Sison - @Boses | June 17, 2021



Dahil sa hirap ng buhay sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, marami tayong kababayan ang nawalan ng trabaho o pagkakakitaan.


Kaya sa halip na mamatay sa gutom, pikit-matang nangungutang ang ilan para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.


Kabilang sa mga inaasahan ng mga ito ay ang online lending apps, pero paano kung reputasyon at kredibilidad naman ang kapalit ng halagang hiniram?


Ang ilan kasing hindi agad makabayad ay nakararanas ng matinding panggigipit at nakatatanggap pa ng pagbabanta sa buhay.


Tulad ng isang biktima na nangutang ng P5, 500 para sa panggatas ng kanyang anak, ngunit umabot lamang sa P3, 600 ang kanyang natanggap dahil sa interest rate na ikinaltas agad.


Nang dumating ang due date, hindi siya nakapagbayad dahil nasa training sa trabaho at hindi alam kung anong oras ito matatapos. Matapos ang cut-off time, agad na nag-message blast ang agent ng lending company sa kanyang mga contact para hiyain siya, at ang masaklap, pati ang manager nito ay nakatanggap din ng mensahe. Dahil dito, hindi natuloy ang promotion niya sa trabaho.


Samantala, bumuo ng isang group chat ang mga naging biktima ng panggigipit ng mga lending app upang mabigyan ng kaalaman ang kanilang miyembro tungkol sa kanilang karapatan.


Gayunman, karaniwang nilalabag ng lending app ang panghihimasok ng mga ito sa contact ng mga may utang upang padalhan ng mga mensaheng nakasisira ng reputasyon.


Sinalakay na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang online lending company na may opisina sa Pasig at nakita nila ang sistemang ginagawa ng kumpanya para manggipit ng mga sinisingil.


Kung tutuusin, matagal na itong problema ng mga hirap makabayad sa online lending companies. ‘Yung tipong, reputasyon at kredibilidad ang kapalit ng maliit na halagang hiniram.


Bagama’t hindi ito ang unang pagkakataon na may nakaranas ng pamamahiya at pangha-harass, nakadidismaya at nakalulungkot dahil sa totoo lang, no choice lang naman ang ilan sa atin dahil walang-wala nang mapagkunan ng panggastos.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, patuloy na aksiyunan ang isyung ito dahil kung paulit-ulit ang mangyayari, kawawa lang ang ating mga kababayan. Kumbaga, gipit na nga, magtatamo pa ng trauma.


Samantala, paalala sa ating mga kababayan, kapag nakaranas ng anumang pangha-harass o pamamahiya, agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad para matugunan at hindi na maulit pa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page