ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 01, 2023
Ang patuloy na pagpapatayo ng mga imprastruktura sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa ay napakahalaga upang mabilis tayong makabangon mula sa pandemya at sumigla ang ating ekonomiya. Naghahatid din ito ng balanseng oportunidad para sa pag-unlad ng bawat komunidad.
Maganda ang naging bunga ng Build, Build, Build (BBB) Program ng administrasyong Duterte, na prayoridad ang pagpapatayo ng iba’t ibang imprastruktura gaya ng mga highway, airport, seaport, atbp. Importanteng maipagpatuloy ang programang ito upang matiyak ang patuloy na pag-unlad ng ating bansa.
Malaki ang pasasalamat natin kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dahil ipinagpapatuloy niya ang programa sa pamamagitan ng inisyatibang “Build Better More”. Kamakailan, inapbrubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang 194 high-impact priority projects sa ilalim ng Build Better More program na nagkakahalaga ng P9 trilyon. Lilikha ito ng maraming oportunidad at trabaho para sa ating mga kapwa Pilipino, mapaganda ang serbisyo ng gobyerno, at magkakaroon ng komportableng buhay ang ating mga kababayan.
Ito ang dahilan kaya suportado natin ang pagpapatayo ng New International Airport sa Bulacan.Isa itong oportunidad sa ating mga kababayan sa labas ng Metro Manila, at para na rin pagaanin ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan. Isang paraan din ito para masolusyonan ang mga problemang nararanasan ng mga pasahero ru’n.
Isa naman sa mga proyekto ng BBB program ay ang Calapan Port Passenger Terminal Building ng Philippine Ports Authority sa Calapan City, na dinaluhan natin ang inagurasyon, noong Marso 27, bilang guest speaker, world-class ang disenyo, at ito ang pinakamalaking passenger terminal building sa ating bansa.
Sa mga nakalipas na araw, nabisita rin natin at nainspeksyon ang ilan sa infrastructure projects na isa tayo sa naging instrumento para mapondohan, gaya sa San Jose del Monte City Convention Center sa Bulacan; dalawang palapag na public market sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental; dalawang multi-purpose buildings sa Bgy. Batasan at Bgy. Commonwealth sa Quezon City; bagong Provincial Administration Building sa Sta. Cruz, Laguna; at ang Santo Domingo-Aliaga Road and Bridge sa Nueva Ecija. Ilan lamang ito sa handog ng gobyerno sa taumbayan para mas maisaayos ang serbisyo-publiko sa kanilang komunidad.
Bago ang Semana Santa, tuluy-tuloy naman ang ating mga gawain sa loob at labas ng Senado.
Nasaksihan kahapon ang inagurasyon ng dalawang Multi-Purpose Building sa Quezon City, Promise, Bgy. Bagong Silangan at Kasundan Extension, Bgy. Commonwealth.
Instrumento tayo para mapondohan ang dalawang proyektong ito. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng ayuda para sa 1,000 mahihirap na residente mula sa dalawang barangay.Noong Marso 30, ay nasa Surigao naman tayo at sinaksihan ang blessing, inauguration at turnover ng Bgy. Mangagoy Evacuation Center sa Bislig City.
Naging instrumento rin tayo para mapondohan ito, malaking tulong ito sa mga residenteng walang pansamantalang matutuluyan kapag may kalamidad o sakuna.
Nagbigay din tayo ng tulong sa mga residente sa nasabing barangay.
Matapos ito ay dumiretso tayo sa Agusan del Sur para saksihan naman ang groundbreaking ng Sta. Josefa Super Health Center, turnover ng road concreting project sa Bgy. Poblacion na natulungan din nating mapondohan, at nag-abot din tayo ng tulong sa mahihirap na mga residente ru’n.
Samantala, dinaluhan din namin ang 32nd Annual Convention ng Prosecutor’s League of the Philippines, Inc. (PLP), kasama si ex-P-Duterte, noong Marso 29 sa Davao City.
Binanggit ko rito ang isa sa mahalagang batas na kung saan naging co-author ako, at ito ang Republic Act No. 11643 na kung saan nagkakaloob ng survivorship benefits sa naiwang legitimate spouse and dependent children ng namayapang retired members ng National Prosecution Service. Ito ay bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng mga prosecutors sa kanilang naging tungkulin.
At noong Marso 28, dinaluhan naman natin ang ribbon cutting ceremony at blessing ng 256-Slice CT Scan Machine, at bagong renovate na auditorium sa HQ AFP Health Services Command, Camp V. Luna sa Quezon City.
Matapos ito, personal nating tiningnan ang sitwasyon at pinagkalooban ng tulong ang 114 residente ng Parola Compound, Binondo sa Maynila na nasunugan.
Bukod naman sa pagdalo sa inagurasyon ng Calapan Port Passenger Terminal Building noong Lunes, na aking naunang nabanggit, sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Guinobatan Super Health Center sa Calapan City.
Nag-inspeksyon din tayo sa itinatayong Sentrong Pangkabataan sa naturang siyudad, na ating ipinaglabang mapondohan, at nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Oriental Mindoro Provincial Hospital.
Nag-abot din tayo ng tulong sa mga apektado ng oil spill sa mga bayan ng Pola at Roxas. Nauna na nating natulungan ang mga apektado sa Gloria at Pinamalayan.
Naglibot naman sa iba’t ibang komunidad ang aking relief team upang mamahagi ng tulong sa mga kababayan nating apektado ng iba’t ibang krisis. Maagap tayong umalalay sa mga nasunugan sa Bulacan gaya ng 39 residente ng Calumpit, 10 sa Obando at 1 sa Malolos. Naalalayan din ang 24 nasunugan sa Bgy. Tambo, Parañaque City; 6 sa Bgy. San Francisco, Pampanga at 1sa Bataan. Nabigyan din ng tulong ang 333 mahihirap na residente ng Dinagat Island, 166 sa Tanauan, Batangas, 127 sa Bacolod City, siyam dito ang nasunugan, at 100 pa sa Pulupandan, Negros Occidental.
Mga kapwa ko Pilipino, Semana Santa na sa susunod na linggo. Sama-sama nating gawing panata ang makatulong sa ating mga kapwa Pilipino sa abot ng ating makakaya. Magdasal tayo at magpasalamat sa buhay na ibinigay ng Panginoon sa atin.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentarios