top of page
Search
BULGAR

Patuloy na pagbili ng imported PPEs, dapat lang imbestigahan!

ni Ryan Sison - @Boses | May 05, 2021



Sa kabila ng panghihikayat ng pamahalaan sa local production ng personal protective equipment o PPEs, patuloy pa rin ang gobyerno sa pagbili ng imported PPEs. Bagay na naging dahilan upang lalong malugi ang local manufacturers.


Kaugnay nito, nais maimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang patuloy na pagbili ng gobyerno ng imported PPEs, sa halip na lokal na gawa bansa.


Base sa inihain na House Resolution 1735, inaatasan ang House Committee on Trade and Industry na silipin ang patuloy na pagtangkilik ng gobyerno sa imported PPEs na karaniwang galing sa China, upang malaman ang epekto sa local industry ng pagtangkilik ng pamahalaan sa imported PPEs.


Tinukoy sa panukala na iniulat ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) na sa 120,000 workers sa local garment industry, aabot sa 25,400 manggagawa ang tinanggal sa trabaho, kung saan 3,500 empleyado rito ay mula sa tatlong kumpanya na ini-repurpose para sa local production ng PPEs.


Matatandaang ipinatawag ng pamahalaan ang CONWEP noong nakaraang taon upang punan ang pangangailangan ng bansa sa medical grade PPEs, kaya agad silang bumuo ng Coalition of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) at namuhunan para sa paggawa ng PPEs na aabot sa P1.7 bilyon.


Sa totoo lang, nakadidismaya dahil palagi nating hinihikayat ang taumbayan na suportahan ang mga gawang lokal bilang tulong sa ekonomiya, gayundin sa ating manggagawa, pero sa kabilang banda ay patuloy namang tumatangkilik ng imported ang gobyerno.


Isa pa, nakababahala dahil kahit alam nating may kakayahan at de-kalidad ang gawang lokal, hindi nila kayang makipagsabayan sa demand ng foreign PPEs na ibinebenta sa murang halaga at ang iba ay substandard. Kumbaga, sayang ang gawang Pinoy kung hindi rin tatangkilikin.


Kung tutuusin nga, ngayon talaga natin dapat suportahan ang gawang lokal dahil sa dami ng nawalan ng trabaho, kung magkakaroon ng mataas na demand sa local PPEs, marami ring oportunidad para kumita.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, imbestigahang mabuti ang isyung ito at tiyaking gobyerno mismo ang unang susuporta sa gawa ng ating mga kababayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page