ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Jan. 11, 2025
Isa sa inisyatiba na ating isinusulong at sinusuportahan bilang Chairperson ng Senate Committee on Health ay ang pagpapatayo ng Super Health Centers sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Kasama ang Department of Health, mga kapwa mambabatas, at mga lokal na pamahalaan, sinisikap nating maging prayoridad ang kalusugan ng mga nasa kanayunan, malalayong isla, at mga liblib na lugar na hirap abutin ng serbisyong medikal.
Noon pa man, ito na ang ating hangarin — ang ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa bawat Pilipinong nangangailangan nito lalo na ang mga mahihirap.
Nakadisenyo ang Super Health Centers para mailapit ang primary care, consultation, at early disease detection sa ating mga kababayan. Kabilang din sa mga serbisyo ng Super Health Centers ang database management, outpatient care, birthing facilities, isolation rooms, diagnostic services (laboratory tests, X-Rays, and ultrasound), pharmacy services, at ambulatory surgical units. Kasama rin dito ang eye, ear, nose, and throat (EENT) care, oncology centers, physical therapy and rehabilitation centers, at telemedicine. Maaari rin itong i-expand pa lalo ng mga LGUs tulad ng paglagay ng dialysis machines.
Inilapit na natin ang pangunahing serbisyong medikal para hindi na kailangang bumiyahe pa papunta sa malalaki ngunit malalayong ospital sa mga lungsod.
Halimbawa, ang mga buntis, puwede na riyang manganak, at maaari na rin sa Super Health Centers ang check-up, kaya hinihimok natin ang PhilHealth na bilisan at damihan pa ang accredited health facilities upang mailapit sa tao ang kanilang Konsulta package dahil lahat naman ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth.
Bilang inyong Mr. Malasakit, lagi kong paalala na pondo ng taumbayan ang ginagamit sa Super Health Centers kaya’t dapat mapakinabangan ito ng mga Pilipino. Agad kayong magpakonsulta kapag mayroon kayong nararamdaman para maagapan at hindi na lumala pa ang inyong sakit.
Nagpapasalamat naman tayo sa suporta ng ating mga kapwa mambabatas, ng DOH at ng mga lokal na opisyal. Dahil sa aming pagtutulungan ay may mahigit 700 Super Health Centers nang napondohan, at nadagdagan pa ito ngayong taon.
Para lalong mapangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino, naririyan din ang Malasakit Centers program kung saan pinagsama-sama na sa iisang bubong ang mga ahensya ng pamahalaan para hindi na magpapalipat-lipat sa pagpila ang ating mga kababayan kapag humihingi ng tulong medikal sa gobyerno. Tayo ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act. Layunin nito na mabigyan kayo ng medical assistance upang ma-cover ang hospital bill, lalo na ng mga mahihirap na pasyente.
Mayroon na tayong 166 Malasakit Centers sa buong bansa na operational, at batay sa datos ng DOH ay nasa mahigit 15 milyong kababayan na natin ang natulungan. Huwag kayong mahihiyang lumapit sa alinmang Malasakit Center na nagsisilbing one-stop shop ng medical assistance para sa mga Pilipino, lalo na sa poor and indigent patients na nangangailangan ng mabilis at maaasahang tulong pampagamot.
Kaugnay ng mga health initiatives na ito, sinaksihan natin noong January 9 ang turnover ceremony ng itinayong Super Health Center sa Midsayap, Cotabato kasama sina Mayor Atty. Rolando Sacdalan, Vice Mayor Vivencio Deomampo Jr., mga konsehal at barangay captains. Namahagi rin tayo ng food packs at iba pang tulong para sa 100 barangay health workers na dumalo sa okasyon.
Matapos ito ay personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong para sa 300 barangay officials at functionaries ng Esperanza, Sultan Kudarat. Sa ating pakikipagtuwang sa lokal na pamahalaan kasama si Mayor Charles Ploteña, nabigyan din ang mga ito ng tulong pinansyal.
Nakapaghatid naman ang aking Malasakit Team ng karagdagang tulong para sa 387 scholars sa Laoag City, Ilocos Norte.
Samantala, patuloy din ang ating palugaw sa mga pampublikong ospital upang magbigay ng tulong sa mga may sakit, pati na sa kanilang pamilya at medical frontliners doon.
Sa aking pag-iikot sa bansa upang magserbisyo sa abot ng aking makakaya, maraming nais magpasalamat para sa tulong na kanilang natanggap. Pero sa totoo lang, ako ang dapat na magpasalamat sa inyo dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataong makapaglingkod. Maraming salamat sa inyong tiwala at nakakasiguro kayo na hinding-hindi ko ito sasayangin.
Hindi ako titigil sa pagseserbisyo sa inyong lahat dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala akong ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments