top of page
Search
BULGAR

Patuloy na ilapit ang serbisyong pagkalusugan sa mga Pilipino!

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 4, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Masaya kong ibinabalita na mayroon na tayo ngayong 164 na Malasakit Center sa buong bansa. 


Sinaksihan ng inyong Senator Kuya Bong Go noong May 2 ang inagurasyon ng pinakabagong Malasakit Center na matatagpuan sa SOCCSKSARGEN General Hospital sa Surallah, South Cotabato. Sa kabuuan, may 43 na sa Mindanao, 91 sa Luzon, at 30 sa Visayas. Batay sa datos ng DOH, nasa humigit-kumulang 10 milyong benepisyaryo na ang natulungan ng programa.


Ang Malasakit Centers program ay ating inisyatiba at sinimulan noong 2018. Na-institutionalize naman ang programa sa bisa ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act na tayo ang may-akda at principal sponsor sa Senado noong 2019.


Naging inspirasyon natin sa programang ito ang naobserbahan nating hirap na dinaranas ng ating mga kababayan lalo na ang mga walang-wala kapag lumalapit sila sa gobyerno para manghingi ng tulong sa kanilang mga bayarin sa ospital. Sabi ko nga, ang mahirap, huwag nang mas pahirapan pa.


Sa Malasakit Center, hindi na kailangang pumila o umikot pa sa iba’t ibang opisina para humingi ng tulong pampagamot. Nasa iisang kuwarto na sa loob mismo ng ospital ang apat na ahensya na tutulong sa inyo. Lapitan lang ninyo at huwag kayong mahihiya dahil para sa bawat Pilipino ‘yan, lalo na sa mga poor at indigent patients.


Matapos ang inagurasyon ay namahagi rin tayo ng tulong sa mga empleyado at pasyente ng ospital, at grocery packs para sa mga barangay health workers. May mga pasyente rin na nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan.Nakiusap din tayo sa pamunuan ng ospital na unahin ang mga mahihirap nating kababayan. Ang mga helpless, hopeless nating kababayan na walang ibang matakbuhan kung hindi tayong nasa gobyerno. Tulungan natin sila. 


Bilang chair ng Senate Committee on Health, napakaimportante sa akin ng kalusugan ng bawat Pilipino. Ito ang dahilan kaya patuloy nating isinusulong ang mga programa at proyektong mas maglalapit pa ng serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan nasaan man sila sa bansa.


Sa suporta ng aking mga kapwa mambabatas, ng DOH at ng mga lokal na opisyal, napondohan ang pagpapatayo ng 700 Super Health Centers sa buong bansa — pito rito ay nasa South Cotabato kasama ang dalawa sa Surallah at Banga na ating binisita noong araw ring iyon. Ang Super Health Centers ay nakadisenyo para ilapit ang primary care, consultation, at early detection ng mga sakit lalo na sa mga malalayong lugar.


Pinag-usapan din noong April 30 sa pagdinig sa Senado ng komite sa kalusugan na aking pinamumunuan, ang estado ng public health services sa bansa. Pinaalalahanan natin ang DOH na may mananagot kung may pasyenteng hindi mabigyan ng tamang atensyon lalo na ang mahihirap. Ipinaglaban din natin ang kapakanan ng ating health workers lalo na pagdating sa mga benepisyo tulad ng Health Emergency Allowance na dapat na maibigay sa kanila.


Umapela tayo sa DBM at DOH na siguraduhing mabayaran ang utang ng gobyerno sa mga health workers na nagsakripisyo noong panahon ng pandemya. Tinalakay din ang mainit na isyu ukol sa alegasyong paglabag ng ethical standards ng isang pharmaceutical company.


Malaki ang tiwala at respeto natin sa mga doktor at mga nasa medical profession kung kaya’t importante na lumabas ang katotohanan at mapanagot kung sino lang ang may kasalanan at sino ‘yung nananamantala sa ating mga kababayan.


Samantala, ginugol natin noong May 1, Labor Day, ang buong araw sa paghahatid ng serbisyo sa iba’t ibang sektor at mga komunidad. Naging panauhin tayo sa ginanap na Liga ng mga Barangay-Masbate Chapter Provincial Congress sa paanyaya ni LNB Provincial President Eric Castillo, na idinaos sa Cebu City. Binalikan din ng aking opisina ang 99 residente na nawalan ng tahanan sa Brgy. Looc, Mandaue City na napagkalooban ng ating opisina ng tulong.


Nakatanggap din sila ng ayuda mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang ating isinulong noon para may pambili ang mga benepisyaryo ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang tahanan.


Habang nasa South Cotabato naman tayo noong May 2, pinangunahan din natin, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ang pagkakaloob ng tulong sa 500 residente sa Surallah at 500 sa Banga na nawalan ng trabaho. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay mabibigyan ng pansamantalang trabaho ng gobyerno.


Masaya ko ring ibinabalita na binuksan na ang Merida Infirmary, isang community ospital sa Merida, Leyte. Sinaksihan ng aking tanggapan ang opening ceremony kasama si Mayor Rolando Villasencio. Ang naturang proyekto ay naisulong sa ating pamamagitan.  


Dumalo tayo kahapon, May 3, sa ginanap na 9th founding anniversary ng Tebow CURE Children’s Hospital of the Philippines sa Davao City sa imbitasyon nina Executive Director Peter Cowles at Dr. Richard Mata.


Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang lugar sa bansa para maghatid ng tulong, tulad ng 100 mahihirap na residente ng Bingawan, Iloilo katuwang si Mayor Mark Palabrica; 54 sa Sapi-an kasama si Mayor Joe Villanueva at 60 sa Sigma, Capiz katuwang si Mayor Dante Eslabon; 20 sa San Remigio, at 70 sa San Jose, mga lugar sa Antique kasama si Governor Rhodora Cadiao; at 100 sa Hinigaran, Negros Occidental kasama si Mayor Nadie Arceo.


Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong pangkabuhayan mula sa gobyerno. Bukod pa riyan ay nakatanggap din ng tulong ang 500 nating kababayan sa Buenavista, Agusan del Norte katuwang si Mayor Jun Roble.


Nabigyan natin ng dagdag na suporta ang 192 na nawalan ng hanapbuhay sa San Jose, Batangas katuwang si Councilor Jerick Mercado; at 500 sa Bacolod City, Negros Occidental katuwang si Mayor Albee Benitez kung saan nagbigay din ng pansamantalang trabaho ang DOLE sa kanila.


Natulungan ng ating opisina ang 35 na nasunugan sa Brgy. La Huerta, Parañaque City; at lima pa sa Malolos City, Bulacan.


Sa kabila ng mga hamon na ating hinaharap, patuloy ang ating pagsisikap na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga mahihirap at mabigyan ng karampatang suporta at atensyon ang bawat Pilipinong nangangailangan ng tulong. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya, dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page