ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 22, 2024
Photo: Kris Aquino - IG
Positibo ang pananaw ni Kris Aquino sa kanyang kalagayan ngayon dahil idineklara ng kanyang mga doktor na cancer-free siya.
Ang kanyang autoimmune disease na lang ang tinututukan ng mga doktor, dahil may panganib pa rin ito sa kanyang kalusugan. Maaaring tamaan siya ng aneurysm at pneumonia, kaya’t lahat ng pag-iingat ay ginagawa ni Kris ngayon upang malabanan ang kanyang mga health issues.
Buo ang loob ni Kris at patuloy na lalaban dahil magbabalik-telebisyon siya ngayong taon. Kakaiba raw ang konsepto ng show na gagawin ni Kris. Makakasama niya sa kanyang journey ang kanyang mga anak na sina Joshua at Bimby at ang mga doktor na tumutulong sa kanyang paggaling.
Maging ang ilang kaibigan na kasama niya sa bawat yugto ng kanyang buhay ay magkakaroon ng partisipasyon sa kanyang show, ganoon din ang BF niyang si Doc Michael Padlan.
Kaugnay nito, nilinaw ni Kris na kung sakaling gumaling siya sa kanyang sakit at magpapakasal, isang simple at hindi garden wedding ang gusto niya, at kasama siyempre ang mga mahal niya sa buhay.
PAHINGA raw muna sa pulitika si Herbert Bautista, ayon sa isang taong malapit sa dating Quezon City mayor. Ito ang sagot sa tanong ng marami kung bakit kahit sa partylist ay hindi tumakbo si Bistek.
Kung tutuusin, asset si HB ng anumang partylist na kanyang sasamahan. Kilala na siya sa buong Pilipinas at malawak ang kanyang karanasan bilang public servant, base na rin sa kanyang track record.
Nagsimula siya bilang konsehal ng Kyusi, naging vice-mayor ng ilang termino, at kalaunan ay nahalal bilang mayor ng Quezon City.
Marami ang nanghihinayang kay Bistek dahil hindi siya nakalusot bilang senador noong 2022 elections. Deserve naman niya ang higher position kung tutuusin.
Hindi na pagdududahan ang kanyang talino at kakayahan sa pamamalakad sa anumang posisyon na kanyang mapapanalunan.
Ang isang malaking weakness lang ni Herbert ay ang sobra niyang pagtitiwala sa mga taong nangako sa kanya ng suporta, pero lihim pala siyang inilaglag at siniraan.
Pero hindi madaling sumuko si Bistek, alam niya na darating ang tamang panahon para sa kanya. Babawi at babangon siyang muli.
Sabi nga, “You cannot put a good man down.” Babalik at babalik siya sa political arena.
Sa ngayon, ine-enjoy muna niya ang stress-free life.
Criza Taa, pang-camera lang…
HARVEY, MAY NON-SHOWBIZ GF NA
BINATANG-BINATA na si Harvey Bautista, ang bunsong anak ni Herbert Bautista kay Tates Gana.
Isa si Harvey sa mga bida ng pelikulang Friendly Fire (FF) na idinirek ni Mikhail Red. Ito ay produced ng Black Cat Productions at palabas sa Oct. 23.
Kasama ni Harvey sa movie sina Loisa Andalio, Coleen Garcia Crawford, Yves Flores, Bob Jbeili at John Lucas.
Ang laki ng iginaling ni Harvey sa pag-arte, sineseryoso niya ang bawat role na kanyang ginagampanan, mapa-telebisyon man o pelikula.
He’s a heartthrob in the making, at konting pagdyi-gym lang ang kanyang kailangan upang gumanda ang built ng kanyang katawan.
Kung ang ama niyang si Bistek ay nakilala bilang komedyante, si Harvey ay mukhang lilinya sa seryosong pagganap. Unti-unti na rin niyang naaalis ang pagiging tahimik at mahiyain. Sanay na siyang humarap sa kanyang mga fans.
Well, balitang may non-showbiz girl ngayon na nagsisilbing inspirasyon ni Harvey kaya pang-camera lang ang love team nila ni Criza Taa.
Mabigyan lang ng magagandang projects, tiyak na magle-level-up pa ang pagiging aktor ni Harvey. Markado ang kanyang naging role sa FF na showing na bukas, Oct. 23, at tiyak na marami sa kabataang GenZ ang makaka-relate sa pelikula.
Comments