top of page
Search
BULGAR

Patuloy ang serbisyo hanggang sa huli

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 11, 2022



Noong Martes, Pebrero 8, 2022, nagsimula na ang opisyal na pangangampanya ng ating mga kandidato para sa national positions sa darating na eleksiyon. Alam nating marami sa atin ang sabik na sabik na ipakita ang suporta para sa ating susunod na mga pinuno.


Ngunit, sa kabila ng ingay at kaganapan, huwag nating kalimutan ang kapakanan ng bansa.


Tingnan nating mabuti ang kanilang plataporma, kaalaman at karanasan upang mailagay natin ang mga karapat-dapat na kandidato sa tamang puwesto at masigurong maipagpapatuloy ang magagandang nasimulan ng administrasyong ito.


Nalulungkot man ang karamihan, ngunit patapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Ganun naman talaga ang buhay — lahat ng mga bagay ay may pagtatapos.


Sa natitirang ilang buwan, nangangako si Tatay Digong na hindi siya titigil sa pagseserbisyo hanggang sa huling araw niya bilang Pangulo. Tinitiyak niyang walang oras ang masasayang sa kanyang paglilingkod.


Bukod pa rito, sinisiguro rin ni Pangulong Duterte na magkakaroon ng maayos na transisyon patungo sa susunod na administrasyon, na kung sinuman ang pipiliin ng taumbayan sa halalan ay mabibigyan ng maayos na pundasyon para mamuno, maitawid ang bansa mula sa krisis at maipagpatuloy ang magagandang programa ng gobyerno na nakatutulong sa tao.


Mainit man ang labanan sa pagkakampanya, hindi natin nakakalimutan ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong. Mula ika-7 hanggang ika-10 ng Pebrero, nag-ikot tayo sa iba’t ibang lugar para mag-abot ng ayuda, tulad sa La Union kung saan tinulungan natin ang 77 na benepisaryo sa Sto. Tomas; 99 sa Rosario; 31 sa Pugo; 54 sa Tubao; 105 sa Agoo; 89 sa Aringay; 43 sa Caba at 144 sa Bauang. Tinulungan din namin ang 126 nating kababayan sa Bacoor City, Cavite at 96 naman sa Calatagan, Batangas.


Nag-abot din tayo ng tulong sa 3,798 nating kababayang nabiktima ng Typhoon Odette sa Carmen, Bohol.


Samantala, bilang Chair ng Senate Committee on Health, masaya nating ibalita na tuluy-tuloy na ang pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 araw-araw. Bagama’t hindi natin sinasabi na confirmed downward trend na ito, alam nating ang mababang bilang ng mga bagong kaso ay nangangahulugan na manageable na ang sitwasyon ng pandemya sa bansa. Noong Miyerkules, Pebrero 9, nagkapagtala lang tayo ng 3,651 na bagong kaso. Napakaliit ng bilang na ito kung ikukumpara noong nakaraang mga linggo na umaabot tayo ng mahigit dalawampung libong bagong kaso araw-araw.


Kaya sa pag-uumpisa ng kampanya, patuloy ang ating panawagan na sundin ang mga itinakdang health protocols. Huwag tayong magkumpiyansa dahil ayaw nating biglang tumaas na naman ang bilang ng mga bagong kaso kada araw. Huwag nating isugal ang kaligtasan at kalusugan ng ating mga kababayan.


At sa mga kuwalipikadong magpabakuna, ngunit nag-aalangan pa, kasama na ang mga magulang ng ating mga menor-de-edad, hinihikayat natin magpaturok na sa lalong madaling panahon. Libre ang bakuna na tanging susi natin ngayon upang malampasan na natin ang pandemya at makabalik na tayo sa normal nating pamumuhay.


Patuloy tayong magtulungan, magbayanihan at magkaisa para malampasan ang mga pagsubok na kinakaharap natin ngayon at sa mga susunod na taon. Magkakaiba man ang ating pananaw sa pulitika, iisa lamang ang ating hangarin na maipaglaban ang kapakanan ng kapwa nating Pilipino at gawing mas matatag ang ating bansa!


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page