ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 25, 2023
Sa ginanap na pagdinig sa Senado noong Miyerkules, Marso 22, sa aking naging mga manipestasyon ay sinuportahan ko ang mga panukalang-batas ng aking mga kasamahan upang matulungan ang mga kapwa natin Pilipino na makaahon sa hirap at krisis. Ilan sa mga panukala ay naging co-author at co-sponsor ang inyong lingkod.
Dahil napakalapit sa aking puso ng ating mga senior citizen, naging co-author at co-sponsor ako ng Centenarians Bill. Sa aking manipestasyon, binigyang-diin ko na kailangan talagang mabigyan ng importansya at masuportahan ang ating senior citizens. Nasa ating kultura na alagaan ang mga nakakatanda bilang family-oriented at mapagmalasakit tayo.
Nakapasa na sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives (HOR) ang Centenarians Bills.
Kung tuluyang maisasabatas, layunin nito na magkaloob ng cash gift na P100,000 na matatanggap ng senior citizen sa three equal tranches pagsapit sa edad na 80, 90 at 100. Sa ngayon, ang may cash gift lang ay ang nakakaabot ng 100 years old. Kaya habang puwede pang pakinabangan at ma-enjoy ng senior citizen ang benepisyong ito, ibigay na natin sa kanila. Maganda rin na may inaasahan sila pagsapit sa mga nabanggit na edad. Maliit na halaga, ngunit malaking tulong sa kanilang kalusugan at kapakanan.
Malaking sakripisyo ang ginawa nila noong mas bata pa sila upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya na siyang pundasyon ng ating lipunan. Suklian natin sila ng pagmamahal at pag-aaruga sa kanilang pagtanda.
Nag-co-sponsor din ako sa panukalang-batas na magpapalawak sa mga polisiya para sa proteksyon at kapakanan ng Filipino caregivers. Sa aking manipestasyon, kinilala ko ang mga kontribusyon, dedikasyon at husay sa trabaho at pagmamalasakit ng ating caregivers sa kanilang employers, na halos katumbas ng pagmamahal sa kanilang sariling pamilya ang ibinubuhos nilang pangangalaga.
Nararapat lang na mabigyan ang locally employed caregivers ng disenteng trabaho at suweldo, mga benepisyo at proteksyon laban sa pang-aabuso at pagmamalabis. Ang panukala ay pumasa na rin sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Mababang Kapulungan.
Ang trabaho namin bilang lingkod-bayan ay alalayan ang ating mga mamamayan, lalo na sa panahon ng krisis. Tulungan natin silang maitaguyod ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng mas pinabuti at mas pinalakas na mga programa ng gobyerno. Ito naman ang binigyang-diin ko sa aking manipestasyons bilang co-sponsor sa panukalang Shared Service Facilities o SSF. Layunin ng panukala na ma-institutionalize ang SSF project sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang micro, small and medium enterprises ang itinuturing na “growth engines” ng ating ekonomiya, lalo ngayong unti-unti na tayong bumabangon, at matutulungan ang mga ito ng SSF.
Mahalagang masuportahan ang ating MSMEs na karamihan ay nasa mga probinsya sa pamamagitan ng pagpapagamit ng mga pasilidad at mga makinarya, at pagsasailalim sa product development and training. Sa ganitong paraan, gaganda ang kalidad ng kanilang mga produkto, tataas ang produksyon na magreresulta sa mas magandang kita ng ating mga kababayan.
Nag-co-sponsor din ako sa panukalang “Trabaho Para sa Bayan”. Sa aking manipestasyon, sinabi ko na kailangan talagang may sapat na pagpaplano at estratehiya upang makalikha ng sapat na trabaho para sa ating mga kababayan. Layunin nito na magtatag ng National Employment Master Plan, o ang Trabaho Para sa Bayan Plan.
Sa nagdaang taon, maraming kababayan natin ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Marami sa business sectors natin ang nahinto at nagsara, kaya marami sa kanila ang nawalan ng ikabubuhay. Sa pamamagitan ng panukala, sakaling tuluyang maging batas, mas masosolusyunan ang unemployment rate at mapapasigla ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng suporta at insentibo sa mga kasalukuyan at bagong negosyo para rin makapagbigay sila ng trabaho at pagkakakitaan sa kanilang komunidad.
Samantala, tuluy-tuloy naman ang ating mga gawain sa labas ng Senado. Nitong Biyernes ay nag-inspeksyon tayo sa itinatayong Cordova Super Health Center sa Cebu, at personal na pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng Toledo City Super Health Center, at pagkatapos ay namahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ru’n.
Nagkaroon din tayo ng paglulunsad ng ika-157 Malasakit Center na nasa Cebu City Medical Center noong araw na ‘yun. Dinalaw at inayudahan din natin ang 108 biktima ng sunog na residente ng Bgy. Inayawan at Bgy. Sapangdaku sa Cebu City. Dumalo rin tayo sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas Clustered General Membership Assembly. Ginanap sa Waterfront Hotel, ang mga dumalo ay mula sa Palawan, Quezon, Davao del Norte, Pasig City at Parañaque City.
Nakarating naman ang aking team sa iba’t ibang komunidad para umalalay sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Nakapagsagawa tayo ng medical and dental mission para sa 400 na residente ng Pandan, Antique. Maagap nating inalalayan ang 28 pamilyang nasunugan sa Bgy. Rosario, Pasig City.
Patuloy din tayong tumutulong sa mga naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Dinalaw ng aking opisina ang mga apektadong komunidad sa Gloria at Pinamalayan, at sa mga susunod na araw ay tutulong din tayo sa iba pang mga bayan du’n.
Hindi naman kinaligtaan ang mahihirap nating kababayan na ating tinulungan gaya ng 333 sa Buenavista, Guimaras; 252 sa Sto. Domingo, Nueva Ecija; 66 sa San Jose at La Paz sa probinsya ng Tarlac; 366 sa Calumpit, Pulilan at Sta. Maria, Bulacan; 301 sa Sto. Domingo, Gapan City, at Peñaranda, mga lugar sa Nueva Ecija.
Nagpapasalamat naman ako sa Sangguniang Panlungsod ng Cagayan de Oro City, na noong Huwebes, sa pamamagitan ng Resolution No. 14480-2023, ay idineklara ako bilang adopted son ng lungsod bilang pagkilala sa ating mga inisyatiba na mapalakas ang healthcare system at paghahatid ng tulong sa mga komunidad na tinamaan ng mga kalamidad. Kasamang idineklara rin bilang adopted son ang ating mahal na dating pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang kontribusyon sa bansa, lalo na sa Mindanao.
Kami ay nagpapasalamat sa buong sambayanang Pilipino na binigyan kami ng pagkakataon na makapagserbisyo. Hindi magiging matagumpay ang administrasyon ni dating Pangulong Duterte kung hindi sa inyong walang tigil na suporta at kooperasyon.
Hindi ko rin sasayangin ang oportunidad na makapagserbisyo pa sa inyo. Kami ay tao lang na napapagod din, pero tuwing nakikita ko na masaya kayo at nakakatulong kami, nakakawala talaga ng pagod at mas ginaganahan akong paglingkuran kayong lahat sa abot ng aking makakaya.
Kaya wala tayong tigil sa pagtupad sa ating sinumpaang tungkulin sa loob man o labas ng Senado, na patuloy akong magmamalasakit at maghahatid ng serbisyo sa bawat Pilipino sa abot ng aking kapasidad.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments