top of page
Search
BULGAR

Patok na ride-hailing apps sa ‘Pinas!

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 14, 2023


Dahil sa napakaraming problemang kinahaharap ng bansa sa ating transport system, kabilang na ang pagbabalik pasada ng mga pampasaherong jeepney, pagtigil ng ‘Libreng Sakay’ ng bus at mga abusadong taxi, kaya nagkaroon ng pagkakataon ang transport network vehicle services (TNVS).


Marami sa ating mga kababayan ang umasa na sa serbisyo ng TNVS app upang makarating sa kanilang patutunguhan at karamihan sa mga pasahero ay ikinokonsidera ang Grab o tanging ang Grab lamang ang inaasahan na malaking pagkakamali.


Lalo na sa mga panahong ito na napakahirap mag-book ng Grab car dahil sa muling pagdagsa at paglaki ng bilang ng mga pasahero na nagbalikan na sa trabaho matapos humupa ang kasagsagan ng pandemya bagama’t hindi pa tuluyang naglalaho.


Nasolo ng Grab ang merkado, kaya karamihan sa ating mga kababayan ay Grab ang palaging naiisip sa tuwing mangangailangan ng masasakyan, ngunit may mga alternartibo naman na dapat pagpilian na kung masusubukan lang ay posibleng maging paborito pa ito ng mga pasahero na ride-hailing app sa bansa.


Bago mag-book ay dapat alam ng pasahero ang standard rates para hindi maloko dahil ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ay may ipinatutupad na flag-down rates para sa transport network companies (TNCs) upang walang mabiktima nang pang-aabuso.


Ayon sa Memorandum Circular No. 2019-036 na inilabas ng LTFRB, ang TNCs, dapat lamang maningil ng ayon sa mga sumusunod: Hatchback Rates-flag-down rate-P30; per kilometer travel fare -P13 at per minute travel fare-P2.


Sa Sedan TNVS rates-flag-down rate-P40; per kilometer travel fare-P15 at per minute travel fare-P2; sa Premium SUV/AUV Rates- flag-down rate-P50; per kilometer travel fare P18 at per minute travel fare ay P2.


Kung hindi kayo makapag-book sa Grab, subukan ninyo ang JoyRide, Angkas, Tok Tok at AVIS Philippines, na kung ano’ng serbisyo ang ibinibigay ng Grab ay mayroon din ang mga kompanyang ito na baka mas maayos pa ang serbisyo.


Hindi natin kinakalaban ang Grab, nagbibigay lang tayo ng iba pang pagpipilian sa panig ng ating mga kababayan na medyo nakararanas ng stress sa tuwing kailangan nila ng masasakyan, lalo na kung rush hour.


Noong nakaraang Abril ng nakaraang taon ay hiniling ng pamunuan ng Grab Philippines sa LTFRB na magdagdag pa ng TNVS slots na pinagbigyan naman nitong nakaraang araw lamang.


Sa katunayan ay tuwang-tuwa ang Grab Philippines sa pagbubukas ng mahigit sa 4,000 bagong TNVS slots at ang ginawa umanong ito ng LTFRB ay mapapabuti ang ride-hailing experience ng mahigit sa isang milyong pasahero sa bansa na tumatangkilik sa TNVS.


Sana lang ay ang karagdagang slots ay mas mapabuti ang sitwasyon ng mga mananakay at masigurong patungo ito sa pag-unlad at mapababa ang pamasahe na abot-kaya ng ating mga kababayan.


Ngayo’y nag-aalok ang Grab ng cash bonus na P6,000 hanggang P10,000 para makapag-recruit ng mga bagong drivers para mapunan ang 4,433 TNVS slots na bubuksan ng LTFRB para mapabilis na mapunan ang kakulangan sa transportasyon.


Kulang na kulang ngayon ang tinatawag nilang drivers-partners dahil sa nagdaang pandemya na marami sa kanila ang nahatak ang hinuhulugang sasakyan at ang iba nama’y nag-iba na ng linya ng hanapbuhay.


Malaki ang naging epekto nito sa Grab, pero umaasa sila na sa pamamagitan ng iniaalok nilang cash bonus ay makahihikayat sila ng mga bagong drivers-partners na makakasama nila para makapagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan.


Makatatanggap ng P6,000 ang bagong driver na makikipag-partner sa Grab kung ang sasakyan niya ay four-seater at P10,000 naman kung ito six-seater, subalit nilinaw nila na ang insentibo ay para lamang sa mga TNVS license holders na rehistrado sa Grab.


Ngayong tuluy-tuloy na ang pagbubukas ng ating ekonomiya ay napapanahon din na makasabay nang maayos ang serbisyo ng transportasyon, na dapat madali, palaging nakahanda at higit sa lahat ay ligtas ang ating mga kababayan.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page