ni Lolet Abania | June 10, 2021
Itinuturing na paglabag umano sa batas ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte nang tanggapin ang mamahaling regalong ibinigay sa kanya tulad ng isang bahay, ayon kay Tony La Vina, dating dean ng Manila-based Ateneo School of Government.
Matatandaang binanggit ni Pangulong Duterte na tumanggap siya ng isang bahay mula kay Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ noong siya ay mayor pa ng Davao City at magmamay-ari lamang siya nito kapag nagretiro na sa pulitika.
Gayunman, bilang government official, dagdag ni La Vina, dapat na i-observe ang “no gifts” policy. “Anything substantial, ‘di mo siya puwedeng tanggapin while nasa gobyerno ka. It doesn’t matter kahit sabihin mo na technically magiging sa 'yo lang sa pagkatapos ng term mo,” ani La Vina sa isang virtual interview ngayong Huwebes.
“That violates not just the spirit of the law but the law itself. ‘Di naman sinasabi ng law na kailangan ‘yung regalo na sa 'yo na. Kung ang intent na sa 'yo na, violation po ‘yun ng (Anti)-Graft and Corrupt Practices Act,” saad pa ni La Vina.
Maaari umanong maharap sa kaso si P-Duterte matapos ang kanyang termino dahil sa paglabag sa batas habang si Quiboloy ay posibleng sampahan din ng reklamo.
“Hindi naman ibig sabihin na kung transparent ka, tama na. ‘Di lang siya puwedeng sampahan ng kaso ngayon because may immunity ang President,” sabi ni La Vina.
“No gifts policy dapat. Every government official, politician should have a 'no gifts policy,'” diin pa ni La Vina.
Kommentare