ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 18, 2021
Umakyat na sa 170 ang bilang ng mga nasawi sa matinding pagbaha sa Germany at Belgium na sumira sa maraming kabahayan at imprastruktura. Tinatayang aabot sa 143 ang nasawi sa Germany kabilang na ang 98 na mga namatay sa Ahrweiler district south ng Cologne, ayon sa awtoridad.
Daan-daang katao rin ang nawawala pa at dahil sa mataas na lebel ng tubig sa ilang lugar ng bansa, mahina rin ang communication access.
Personal namang binisita ni German President Frank-Walter Steinmeier ang Erftstadt sa North Rhine-Westphalia kung saan aabot sa 45 katao ang nasawi sa insidente. Aniya, "We mourn with those that have lost friends, acquaintances, family members.
"Their fate is ripping our hearts apart." Ayon sa awtoridad, aabot sa 700 residente ang inilikas noong Biyernes matapos masira ang dam sa Wassenberg malapit sa Cologne.
Ayon kay Steinmeier, posibleng abutin ng ilang linggo bago malaman ang kabuuang pinsala ng pagbaha at aniya, bilyun-bilyon ang kakailanganin upang maayos ang mga ito. Umakyat naman sa 27 ang kumpirmadong nasawi sa Belgium, ayon sa National Crisis Centre.
Nasa 103 katao naman ang "missing or unreachable." Ayon sa awtoridad, maaaring hindi lamang makontak ang ilang residente dahil hindi nai-charge ang mga mobile phones o maaaring kabilang sa mga isinugod sa ospital na wala pang identity papers.
Binisita naman nina Belgian Prime Minister Alexander De Croo at European Commission President Ursula von der Leyen ang ilang apektadong lugar noong Sabado. Samantala, patuloy pa ring nagsasagawa ng search, rescue and clearing operations sa insidente.
Commentaires