top of page
Search

Patay dahil sa shear line rains, 52 na – NDRRMC

BULGAR

ni Lolet Abania | January 4, 2023



Umabot na sa 52 indibidwal ang naiulat na nasawi dahil sa mga pag-ulan at pagbabaha dulot ng shear line simula pa noong Pasko, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Miyerkules.


Sa kanilang 8AM report, sinabi ng NDRRMC na 26 sa naitalang namatay ay mula sa Northern Mindanao, 9 sa Bicol, 5 sa Eastern Visayas, tig-4 sa Zamboanga at Davao, 3 sa Caraga, at isa sa Mimaropa.


Ayon sa NDRRMC, 13 lamang sa mga nai-report na nasawi ang na-validate sa ngayon.


Kaugnay nito, 18 katao ang nananatiling nawawala, kung saan 9 ay mula sa Eastern Visayas, 7 sa Bicol at tig-1 sa Western Visayas at Zamboanga.


Nasa tinatayang 16 indibidwal din ang nai-report na nasaktan dahil sa epekto ng shear line.


Nakapagtala naman ng kabuuang 640,748 katao o 163,320 pamilya sa 1,116 barangay sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, Caraga, at Bangsamoro ang apektado.



Sa nasabing bilang, 26,015 katao o 7,114 pamilya ang nananatili sa 170 evacuation centers, habang 41,245 indibidwal o 10,977 pamilya ang nanunuluyan sa iba pang mga lugar, ayon sa NDRRMC.


Sinabi naman ng NDRRMC, nakapagbigay na sila ng P48,489,402.87 halaga ng assistance sa mga biktima.


Gayundin, may kabuuang 22 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity, kabilang ang Brooke’s Point sa Palawan, Llorente sa Eastern Samar, Dapitan at Polanco sa Zamboanga del Norte, Gingoog sa Misamis Oriental, at ang buong probinsya ng Misamis Occidental dahil ito sa shear line rains.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page