ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 26, 2024
Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng ating mga kababayang Muslim sa kaunlaran at pagkakaisa ng ating bansa, isinusulong natin ang pagtatatag ng Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) Program bilang mahalagang bahagi ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Kaya naman itinutulak ng inyong lingkod ang pag-institutionalize nito sa lahat ng private at public basic education schools sa bansa na nasa labas ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ang layon natin sa Arabic Language and Islamic Values Education Act o Senate Bill No. 382 – ang maibigay sa mga kabataang Pilipinong Muslim ang nararapat at napapanahong oportunidad sa kanilang edukasyon. Sakop ng ating panukala ang mga mag-aaral na naka-enroll sa Alternative Learning System o ALS at sisiguraduhin nito na bahagi ang lahat ng ating mga estudyanteng Pilipinong Muslim sa pagpapaunlad, pagpapatatag at pagkakaisa ng bansa.
Nakasaad sa panukalang batas na sa pamamagitan ng pagsang-ayon ng mga magulang o guardian, parehong mga mag-aaral na Muslim at non-Muslim Filipino ay maaaring kumuha ng subjects sa Arabic Language o sa Islamic Values Education. Puwede rin nilang piliin pareho. Layong mapalawak ng pagtuturo ng wikang Arabic ang functional literacy ng mga mag-aaral hinggil sa paksa. Pagdating naman sa pagtuturo ng Islamic values, magsisilbi itong gabay sa mga estudyante para matutunan at makamit nila ang pagiging makatao, maka-Diyos, makakalikasan at makabayan. Ang edukasyon sa Islamic values ay mahalaga sa pagpapaigting ng pagkilala at paggalang sa iba’t ibang pananampalataya o paniniwala, at iba’t ibang kultura.
Marami tayong inilatag sa ilalim ng ating itinutulak na panukala. Una, titiyakin nito na makapagbigay ng mga pasilidad, kagamitan, textbooks at instructional materials, at magre-recruit at magsasanay o magpapalakas ng kakayahan ng mga asatidz o mga guro sa mga Muslim-Filipino community. Kabilang sa magpapalakas ng kakayahan ng mga asatidz ang mga tagapagsanay, tagapamahala, at administrator.
Bukod dito, layon ding makapagbigay ng technical at financial educational assistance sa mga DepEd-accredited na pribadong madaris, o paaralan sa salitang Arabic. Kabilang din sa panukala ang pagtatag ng isang ALIVE Program Multi-Year Roadmap na gagabay sa mga ahensya ng gobyerno at private stakeholder para sa implementasyon ng programa.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating palalaganapin ang adhikaing mapagbuklod-buklod ang bawat isa tungo sa tunay na kaunlaran ng ating Muslim community at ng buong bansa. At sa pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa, responsibilidad nating tiyakin na hindi mapag-iiwanan ang ating mga kabataang Muslim.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments