ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 13, 2022
Nagluluksa ang ating mga ‘kagulong’ hinggil sa sinapit ng isang rider na namatay, samantalang sugatan naman ang kanyang angkas nang salpukin umano ng sport utility vehicle (SUV) sa kahabaan ng Taft Avenue, Manila noong Oktubre 27 ng madaling araw.
Ayon sa arson investigator, ang naturang SUV ay Subaru Forester na may plakang AMC-528 ay bigla na lamang naglagablab na mabilis na natupok makaraan ang ilang sandali matapos ang aksidente.
Base sa imbestigasyon ng Manila Police District, ang biktima ay nakilalang si Hally Limzon Adon, 35-anyos na idineklarang patay matapos isugod sa Philippine General Hospital, samantalang sugatan naman ang angkas nitong si Shelmar Saltiban, 27.
Kumpara sa ibang salarin, nasangkot din sa mga kahalintulad na aksidente ay buong-buong tinatamasa ng suspek na si Matthew Asher Chio Rillo, 20-anyos, isang estudyante ng Scout Gandia, Quezon City ang kalayaan gamit ang lahat ng paraan para sa legalidad ng batas.
Habang isinusulat ang column ay pinaiimbestigahan na natin kung may kaugnayan ang suspek sa mga kilalang pulitiko sa Quezon City dahil hindi naman tamang makaladkad ang pangalan ng mga pulitikong kaapelyido lamang ng suspek.
Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District, bandang ala-1:40 ng madaling araw ay binabaybay ng magkaangkas na biktima, lulan ng motorsiklo ang kahabaan ng Taft Avenue nang bigla na lamang umano silang mabangga ng nabanggit na SUV.
Ang magkaangkas na biktima ay sabay umanong tumalsik sa kanilang motorsiklo dahil sa lakas ng pagkakasalpok dahilan din ng pagsabog at paglagablab ng SUV.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, si Rillo ay nasa ilalim ng impluwensya ng alak base sa kanyang galaw at pananalita na mariin namang itinatanggi ng suspek.
Maliban sa incident report o police blotter ay hindi pa umuusad ang pangyayaring ito na sa ngayon ay wala pa namang nalalabag na batas, ngunit nababahala ang ating mga ‘kagulong’ na tila may special treatment umano para sa suspek.
Inaalala ng ating mga ‘kagulong’ na baka matulad ang kasong ito sa naganap noong nakaraang Setyembre na isang security guard ang pilit na sinagasaan ng SUV sa Mandaluyong City at mabilis na tumakas.
Hindi ba’t paglutang ng salarin ay may mga kasama pang padrino at nagawa pang magpatawag ng press conference na hindi basta nagagawa ng mga ordinaryong nasasangkot sa kahalintulad na kaso.
Ang pinakahuling balita sa pangyayaring ito ay pinatatawag na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver/owner ng SUV noong Nobyembre 7 ng alas-10 ng umaga—isang show cause order ang inilabas ng Intelligence and Investigation Division (IID), ngunit sa hindi pa mabatid na kadahilanan ay nabago ang schedule.
Pinagsusumite ang driver/owner ng SUV ng letter to comment o paliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng Reckless Driving While Under the Influence of Alcohol at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya dahil sa Improper Person to Operate a Motor Vehicle base sa probisyon mula sa Sec. 27 ng Republic Act 4137.
Sinubukan nating makipag-ugnayan sa tanggapan ng LTO, ngunit sinabi nilang ang nagbigay ng 10-araw ang IID—hanggang Nobyembre 18 na magsumite ng verified answer/manifestation hinggil sa kaso, bilang konsiderasyon umano sa dalawang criminal proceedings na isinampa laban sa respondent.
Labas tayo kung maimpluwensya ang suspek dahil nakaalarma na naman ito, ang inaalala ko lang ay ang katarungan para sa ating ‘kagulong’ na binawian ng buhay ng wala sa oras, kaya tututukan natin ang kasong ito para hindi ma-hocus-pocus
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments