ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| July 15, 2020
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.
Tumingin sa malayo, ito ang isang susi ng tagumpay na nagsasabing ang sinumang nakatingin sa malayo ay maaabot ang kanyang mga pangarap.
Ito ba ay nangangahulugan na bawal nang tumingin sa likuran?
Hindi naman ipinagbawal ang pagtingin sa likuran dahil may maganda ring nakukuha rito kung saan ang “likuran” ay tumutukoy sa nakaraan. Sa paglingon sa nakaraan, may makukuha rin tayong magagandang aral na gagamitin natin upang pagandahin ang hinaharap.
Kaya puwedeng-puwede rin namang lumingon sa nakaraan, pero ang layunin ay ang kumuha ng mahahalagang kaalaman para magamit sa pagpapaganda ng buhay.
Gayunman, mapanganib ang tingin nang tingin sa nakaraan dahil parang bitag ito na maaaring hindi ka na makaalis at mabubuhay na lang sa nakaraan at ‘pag nangyari ‘yun, malabo ka nang umasenso.
Kaya magandang mabanggit din natin dito ang isang kuwento mula sa sagradong aklat tungkol sa paggunaw ni God sa Sodoma at Gomora sa pamamagitan ng apoy.
Sinabi ng mga anghel kay Lot at sa kanyang pamilya na huwag titingin sa likuran habang sila ay umaalis sa bayan ginugunaw ni God.
Dagdag pa ng mga anghel, kapag lumingon likuran, magiging haliging asin sila. Hindi naniniwala ang asawa ni Lot sa babala ng mga anghel at siya ay lumingon sa likuran at naging haliging asin.
Pero bakit nga ba hindi kaiga-igaya ang tumingin sa likuran o nakaraan? Ito ay sa dahilang may isa pang pormula ng tagumpay na sa totoo lang ay sapat na kapag naunawaan ay magdadala sa tao sa kanyang magandang kinabukasan.
Ito ang palaging ipinapayo sa lahat ng gustong lumigaya at gumanda ang buhay na “move on”, na ang ibig sabihin ay hindi ang move backward o sideward, ang move on ay move forward.
Kaya sobrang linaw na ang tunay na magpapalaya sa tao sa buhay na ito ng kahirapan, dusa, pasakit at sama ng loob ay ang sinasabing “You must move forward”.
Baka magkamali ka. Muli, ang move on, bagama’t paggalaw para mabago ang kalagayan ay hindi move backward at sideward, ang “move” ay palaging paharap o forward. Ang forward ay ang hinaharap at sa iyong hinaharap, naroon at makakaharap mo nang mukhaan ang iyong mga pangarap.
Sa move backward, hindi mo mararating ang iyong pangarap, lalo na move sideward dahil ito ay nagsasabing maliligaw ka at malabo nang marating mo ang inaasam-asam mong tagumpay.
Itutuloy
Comments