top of page
Search
  • BULGAR

Passport, ‘di dapat ginagamit na kolateral sa loan

ni Ryan Sison @Boses | September 9, 2024



Boses by Ryan Sison

Dapat na mag-ingat ng mga overseas Filipino worker (OFW) at iwasang makipagtransaksyon sa isang loan shark.


Ito ang naging babala ng Philippine Consulate General sa Hong Kong sa mga Pinoy laban sa isang dating OFW na naging loan shark, na ngayon ay may hawak na mga passport ng mga borrower.


Sa isang post sa Facebook kamakailan, sinabi ng Consulate na ang naturang loan shark ay tumangging ibalik ang mga Philippine passport ng mga borrower o umuutang sa kabila nang full payment na ang mga ito. 


Pahayag ng Consulate na ayon sa mga biktima, dine-demand ng loan shark na ito na isurender ang mga passport ng mga OFW-debtor bilang kolateral sa kanilang mga loan o utang, kung saan may interest payment na umaabot ng hanggang tatlo o apat na beses ng halaga ng kanilang original loans.


Bukod sa matinding ipinapataw na rate anang Consulate, ang naturang loan shark ay ayaw pang ibalik ang mga pawned o nakasangla na passport sa kabila na ilang mga payment na ang ginawa ng mga biktimang debtor.


Sa ngayon, ang mga transaksyon ay ginagawa na mula sa Pilipinas sa pamamagitan ng digital wallet dahil ang nasabing loan shark ay hindi na nakabase sa Hong Kong. 

Kaya naman nagbabala ang Philippine Consulate sa publiko laban sa modus operandi na ito at nagpaalala sa lahat na ang mga passport ay pag-aari ng Philippine government. 


Binigyang-diin din ng Consulate na ang mga passport ay hindi dapat gamitin bilang kolateral para sa mga loan dahil ito ay isang paglabag sa New Passport Act kung saan nagsasaad ng matinding parusa para sa mga nagkasala.


Hiniling naman ng kagawaran sa mga Pinoy na nabiktima ng loan shark gamit ang modus operandi na ito na agad mag-report sa Consulate’s Assistance-to-Nationals (ATN) Section at tumawag sa 2823-8505, 2823-8513, 2823-8514 at 2823-8516 o mag-email sa atn.hkpcg@gmail.com.


Mainam ang ginawa ng kinauukulan na agad nag-abiso sa mga kababayan, lalo na sa mga Pinoy worker abroad na maging mapanuri sa mga inuutangan.

Hindi naman kasi maiwasan na minsan ay nagigipit din ang mga OFW, dala marahil na kailangan ng pamilya kaya nakukuha nilang agad na mangutang sa kahit na sino na lang. 


Ang masaklap lang dito ay ginagamit bilang kolateral ang kanilang mga passport para agad na maibigay ang halagang kailangan nila ng nagpapautang.


Payo natin sa mga kababayan na huwag pumasok sa mga loan transaction na matindi kung magpatong ng triple o grabeng interes. Tiyak na mangungulubi kayo sa pagbabayad ng utang, at baka tumanda na lang ay hindi pa rin bayad ang inyong inutang. Mag-isip na lamang siguro ng ibang paraan sakaling magipit at kinakailangan talaga ng pera. May mga ahensya naman ng gobyerno na puwedeng puntahan at matulungan tayo sa ating mga problema.


Sa mga loan shark diyan na halang ang kaluluwang manloko, makonsensya na sana at itigil na ang masamang gawain. Mas pairalin sana ang makatulong sa halip na panlalamang ang gawin sa kapwa.


Laging alalahanin na may balik ang lahat ng ating ginagawa mabuti man ito o masama.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page