ni Mary Gutierrez Almirañez | February 11, 2021
Simula bukas, ika-12 ng Pebrero, ganap na 12:01 ng madaling-araw, babalik na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Passi City, Iloilo.
Ayon kay Stephen Palmares, alkalde ng lungsod, bumababa na ang kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa kanilang lungsod. Preparado na rin ang lungsod sa pag-iisyu ng bagong Executive Order na nagsasaad sa mga protocol na dapat sundin sa ilalim ng MGCQ.
Luluwagan na rin ang curfew hours na noon ay alas-siyete nang gabi, ngayon ay magiging alas-nuwebe na. Bawal pa ring lumabas ang nasa edad walo pababa, mga senior citizens at mga may sakit.
Matatandaang sumailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang lungsod noong ika-28 ng Enero sa bilang na 254 aktibong kaso, 299 na gumaling, at tatlo ang namatay. Karamihan sa mga nagpositibo ay nagtatrabaho sa Passi City Market.
Ang transmission umano ay galing sa isang government employee na may tindahan din sa loob ng palengke.
Comentarios