ni Justine Daguno - @Life and Style | September 18, 2021
Marami sa atin ang halos gawing maintenance ang ibuprofen, mefenamic, paracetamol at iba pang pain reliever. Tipong makaramdam lamang ng kaunting sakit ay lalaklak agad ng over-the-counter na gamot. Tila walang pakialam kung may side-effect o kung may pangmatagalang dulot ba ang mga ito dahil ang mahalaga ay makaraos sa sakit na nadarama.
Well, wala namang masama sa pag-take ng mga ito, pero knows n’yo ba na hindi sa lahat ng pagkakataon ay gamot agad ang kailangan para mapawi ang sakit? Yes, maraming natural na paraan o ‘alternative ways’ na walang side-effect para rito, tulad ng mga sumusunod:
ESSENTIAL OILS. Kapag nakaramdam ng sakit ng ulo, kasu-kasuan at iba pang internal body pain, isa sa mga mabisang panlaban sa mga ito ay ang pagpahid ng essential oils. Ito ay hindi lamang nagtataglay ng analgesic elements kundi may aroma rin na nakatutulong upang ma-relax ang pasyente. Pero tandaan na bago magpahid nito, basahin muna ang label upang maiwasan ang mga komplikasyon tulad ng allergic reaction.
MAGING MASAYAHIN. Ayon sa pag-aaral, ang madalas na pagtawa o pagiging masayahin ay nakapagpapataas ng pain tolerance. Sa ibang pag-aaral, inirerekomenda ang “laughter therapy” para sa mga taong nasa recovery stage ng sakit. Malaki ang nagagawa nito upang maging maganda ang sirkulasyon ng dugo, gayundin ang daloy ng oxygen na kailangan ng katawan upang mabilis na makarekober sa sakit.
HOT/COLD COMPRESS. Isa ito sa mga pain remedy sa bahay. Hindi lamang ito alternatibong pampaginhawa, madalas din itong gamitin bilang first aid. Pero ang hot/cold compress ay depende sa sitwasyon, ang ice pack ay para sa pamamaga ng muscles. Maaari rin itong first aid para sa sakit ng ulo at iba pang head injuries. Samantala, kapag ang sakit naman ay sa arthritis o sa kasu-kasuan, dito maaaring maglagay ng hot compress.
PAGHIHILOT. Epektib din na pantanggal ng mga sakit ng katawan ang paghihilot. Ito ay isang uri ng pagmamasahe, ngunit sa partikular o sa apektadong bahagi lamang ng katawan. Nakatutulong ito upang maging maayos ang daloy ng dugo, maalis ang muscle tension at makaramdam ng ginhawa.
YOGA. Kapag madalas nakararanas ng pagsakit ng likod, gayundin ang sakit sa leeg. Isa sa mga natural na paraan upang maiwasan ito ay ang pagyo-yoga. Ito ay physical meditation, kung saan kailangan ng pokus at tamang pagkontrol ng hininga sa bawat stretching. Bukod pa rito, nakatutulong ito upang mapawi ang anxiety na madalas dahilan kung bakit nakararamdam ng sakit ng ulo at iba pa.
Ang mga nabanggit ay alternatibo lamang na ibig sabihin ay pansamantalang lunas sa anumang sakit na nararamdaman. Magkakaiba ang dahilan ng mga pananakit na ito, kaya magkakaiba rin ang remedyo. Higit sa pagtangkilik ng mga alternatibo, ugaliin pa rin ang magpakonsulta sa mga eksperto. Ayos ba?
Comments