ni Gerard Peter - @Sports | March 14, 2021
Pamumunuan ng tinaguriang the Living Legend ng Philippine basketball Robert “Sonny” Jaworski at Olympic medalists Leopoldo Serrantes at Roel Velasco ng boxing ang listahan ng ika-4th na batch ng Philippine Sports Hall of Fame (PSHOF) kasunod ng masusing pag-aaral at pananaliksik ng mga selection committee noong Biyernes.
Base sa nakasaad sa Republic Act 8757 or the Philippine Sports Hall of Fame Act, pipiliin ang mga sports legends at personalities na nag-ambag at nakapagbigay ng malaking tagumpay para sa bansa sa mga pandaigdigang kompetisyon at naging inspirasyon ng sambayanan sa pagtataguyod ng pampalakasan sa bansa.
Bukod sa basketball icon at dating Philippine Senator na si Jaworski at kina 1988 Seoul Olympics bronze medalist sa men’s light-flyweight na si Serrantes at 1992 Barcelona Olympics men’s light-flyweight third placer at kasalukuyang national boxing coach na si Velasco, parte rin ng 10-man Hall of Famers sina 2-time Olympian at 15-time SEAG at Asian Games gold medalist at “Long Jump Queen” ng Pilipinas na si Elma Muros-Posadas, dating PSC chairman at SEA Games best swimmer Eric Buhain, basketball coach at national football member Dionisio Calvo, World Championships at 1986 Asian Games gold medalist Arianne Cerdena ng Bowling, football legend and great Paulino Alcantara, Olympian swimmer Gertrudes Lozada; at Olympian sprinter at 1962 Asian Games champion Rogelio Onofre.
“It’s been a pleasure. Na-apreciate ko ang review committee, malaking tulong. Salamat sa inyong recommendation. I am glad that a new batch of people who fought for the country and sacrificed a lot will be given recognition to inspire the new generation of sports heroes,” pahayag ni Games and Amusement Board Chairman Abraham “Baham” Mitra sa malaking tulong na ibinigay ng review committee, na sina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez, Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham Tolentino bilang vice chairperson, kabilang sina Philippine Football Federation SecGen Atty. Ed Gastanes at Philcycling SecGen Atty. Billy Sumagui bilang NSA representatives, Philippine Olympians Association President Akiko Guevara at UAAP Executive Director Atty. Rene Andrei Saguisag Jr bilang private group representatives.
Nagpasasalamat si Muros-Posadas sa nakalipas na TOPS: Usapang Sports webcast nitong Huwebes, bago pa man ianunsyo ang pagkakasama sa kanya sa 10 Hall of Famer. “Sa aking palagay ay tatanawin kong isang malaking karangalan na mapabilang sa listahan ng Hall of Famers. Matanda na rin ako pero di ako nagsasawa sa pag-develop ng mga player. Bilang stepping stone sa grassroots, nakaka-inspire ang parangal na ito (kung ako may mapipili), kahit iba ay napupunuan namin ang mga hindi magawa ng mga teachers,” paliwanag ni Muros-Posadas.
Makakatanggap ng tig-P200,000 ang 10-man members ng 4th batch ng HOF, kasama ang PSHOF trophy. Planong isagawa ng kumite ang seremonya ng mas maaga sa Mayo 29.
Comments