top of page
Search
BULGAR

Pasok pa rin sa semis, kahit talo ang 'Pinas sa Vietnam

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 13, 2022



Dumanas ng mapait na pagkatalo ang Pilipinas sa host at defending champion Vietnam, 2-1, sa pagbabalik ng 31st Southeast Asian Games Women's Football Tournament, Miyerkules nang gabi sa Cam Pha Stadium ng Quang Ninh, Vietnam. Sa gitna ng hindi magandang resulta, pasok pa rin ang Filipinas sa semifinals na gaganapin sa Mayo 18.


Hindi inisip ng mga Pinay na naglalaro sila sa harap ng tinatayang 15,000 Vietnamese at umarangkada agad upang malambat ang unang goal, salamat kay kapitana Tahnai Annis sa ika-15 minuto. Eksakto ang palobong pasa ni Malea Cesar patungo kay Annis na inulo papasok ang bola.


Naging saglit lang ang pagdiriwang ng Filipinas at pinantay ni Nguyen Thi Tuyet Dung ang laban sa ika-38 minuto galing sa pasa ni Tran Thi Thuy Trang. Hindi pa tapos si Tran at lumikha siya ng sarili niyang goal sa ika-50 upang itulak sa lamang ang Vietnam at inalagaan nila ito sa nalalabing 40 minuto.


Pansamantalang nanatili sa liderato ng Grupo A ang Filipinas. Tabla sila sa Vietnam na parehong may tatlong puntos subalit lamang ang mga Pinay sa bisa ng kanilang +4 na goal difference kumpara sa +1 ng Vietnam.


Kahit anong mangyaring resulta sa nalalabing laban sa Grupo A sa pagitan ng Cambodia at Vietnam sa Sabado (Mayo 14) ay pasok na ang Filipinas sa semifinals. Ang tanong na lang ay kung magtatapos sila ng una o pangalawa upang matukoy kung sino ang haharapin nila sa dalawang tutuloy buhat sa Grupo B na kinabibilangan ng 2019 silver medalist Thailand, bronze medalist Myanmar, Laos at Singapore.


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page