top of page
Search

Pasko man o hindi, tuluy-tuloy lang ang pagtulong

BULGAR

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Nov. 29, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Nitong mga nagdaang araw ay panay pa rin ang manaka-nakang pag-ulan, ngunit hindi natin ito alintana dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tayo humihinto sa pamamahagi ng tulong sa mga kababayan nating naging biktima ng mga nagdaang bagyo.


Noong nakaraang Lunes (Nobyembre 25) ay tinungo natin ang mga bayan ng Guiguinto at Baliuag sa Bulacan upang mamahagi sa may 4,000 residente na lahat ay nabiyayaan ng tulong pinansyal.


Kalunus-lunos ang kanilang kalagayan dahil imbes na naghahanda na sila sa paparating na Noche Buena para sa Pasko ay unti-unti pa rin nilang pinagtatagni-tagni ang mga ayudang kanilang natatanggap upang buuin ang nasalanta nilang kalagayan.


Nakatutuwa na kahit paano ay nakikita natin ang mga kababayan doon na pininsala ng kalamidad na unti-unti nang bumabangon dulot ng nagdaang mga bagyo dahil sa mga tulong na kanilang nakukuha.


Noong nakaraang Martes naman (Nobyembre 26) ay lumipad tayo patungong Catanduanes para asikasuhin ang mga kababayan natin sa Bicol Region na hanggang ngayon ay marami ang hindi pa nakakarekober dahil sa grabeng sinapit nila sa nagdaang mga bagyo.


Bandang alas-7 ng umaga ay sinalubong tayo nina Gov. Joseph Cua at Vice Gov. Peter Cua at agad kaming sinaluhan sa isang masarap na agahan, pagkatapos nito ay tinungo namin ang mga residente roon at umabot sa 500 benepisyaryo ang nakatanggap ng yero at plywood bukod pa sa karagdagang construction materials na ating ipinamahagi para makapagsimula silang gawin ang nawasak nilang mga tahanan.


Ipinagpapasamat din natin ang pagdalo nina Caramoan, Catanduanes Mayor Glenda Aguilar at Pandan Mayor Raul Tabirara at 11 pang mayor mula sa mga karatig-bayan na tumulong din sa ating pamamahagi sa mga kababayan sa Bicol Region.


Bago mananghali ay natapos na namin ang pagbibigay ng tulong at bumalik na kami ng

Maynila upang tugunan naman ang iba pa nating kababayan na biktima rin ng kalamidad.


Sa ngayon, patuloy ang pagbabasta ng ating Bayanihan Relief (BR) Team na araw at gabing naghahanda para sa mga ipamamahagi sa iba’t ibang lugar sa bansa na mangangailangan sakaling makaranas din ng pananalasa ng kalamidad pero huwag naman sana.


Sa abot ng ating makakaya ay sisikapin nating magkaroon ng pagsasaluhang pagkain ang ating mga kababayan na biktima ng bagyo bago sumapit ang araw ng Pasko.


Huwag naman sanang magdamdam ang mga kababayan na hindi pa natin napupuntahan dahil sa dami lang ng nangangailangan, ngunit makaaasa kayo na kahit tapos na ang Pasko at Bagong Taon ay tuluy-tuloy pa rin ang ating pagbibigay ng tulong.


Hindi naman tayo tumitingin sa okasyon — basta nasalanta ng kalamidad ay agad nating pinupuntahan. Nagkataon lang ngayon na papalapit na ang Pasko kay mas lalo nating pinag-iibayo ang pamamahagi na ilang taon na nating isinasagawa.


Bilang pagtugon din sa panawagan ng ating Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (PBBM) na huwag nang gawing magarbo ang mga Christmas party ng mga ahensya ng gobyerno ay hindi na rin tayo magpapa-raffle ng mga mamahaling regalo – sa halip ay ibibili na lamang natin ang mga papremyo ng mga bagay na pangunahing pangangailangan sa mga nasalanta ng bagyo.


Ilang araw lang din ang nagdaan at namahagi tayo ng tulong sa Isla Puting Bato, Tondo, Manila matapos na tupukin ng apoy ang napakalawak na bahagi ng nabanggit na lugar at hindi rin natin puwedeng pabayaan ang mga kababayan natin sa Manila.

Hanggang sa kasalukuyan ay marami sa ating mga kababayan ang nasa abang kalagayan na dapat nating pagtuunan ng pansin – lalo pa at ilang araw na lang ay magdiriwang na tayo ng kaarawan ng ating Panginoon. Sana lahat sila ay makasalo natin sa Noche Buena na masayang kasama ang buong pamilya kahit hindi gaanong magarbo.


Ang mahalaga lang naman ay ligtas tayo sa tiyak na kapahamakan at sama-sama ang buong pamilya sa pagdiriwang ng Pasko.


Sana maraming mga bata ang makapiling pa rin si Santa Claus sa darating na Pasko sa kabila ng ating mga pinagdaanan. 


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page