ni Lolet Abania | May 27, 2021
Dalawang kawani ang patay habang dalawa naman ang sugatan matapos ang pagsabog na naganap sa isang primer composition mixing facility ng Explosives Division ng Department of National Defense (DND)-Government Arsenal (GA) sa Limay, Bataan nitong Miyerkules.
Kinilala ni GA Director Arnel Rafael Depakakibo ang mga nasawi na sina Ricardo Solomon, 40, at Marvin Tatel, 38.
Ang dalawa namang nasugatan na duty din nang oras na iyon ay sina Macreldo Rodriguez, 57, at Allan Wisco, 36.
Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pagsabog habang inihahanda ng mga biktima ang priming composition para sa mga bala ng caliber .45.
Ayon kay Depakakibo, nagsasagawa na ang GA ng hiwalay na imbestigasyon sa naging sanhi ng pagsabog, at isusumite nila ang buong report sa DND.
“Meanwhile, we are looking after the welfare of the families of the victims and ensuring that the two other affected personnel are receiving the appropriate medical attention,” ani Depakakibo.
Iniutos na rin ni Police Regional Office 3 director Police Brigadier General Valeriano na magsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat sa naging dahilan at pinagmulan ng pagsabog.
Ayon naman sa Bataan Provincial Police Office director na si Police Colonel Joel Tampi, bandang alas-10:45 ng umaga kahapon nang makarinig sila ng pagsabog sa Bldg. 27 ng DND Government Arsenal.
Isang bahagi ng gusali at iba pang mga makina ang napinsala dahil sa pagsabog.
Comments