ni Angela Fernando - Trainee @News | October 29, 2023
Nais paimbestigahan ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr. ang mga opisyal ng Pasay City Police (PCP) para sa posibleng kakulangan sa aksyon ukol sa kanilang sinalakay na isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na sinasabing pugad ng prostitusyon.
Nakasaad sa liham ni Abalos kay Benjamin Acorda, Jr., hepe ng Philippine National Police (PNP), ang agarang pagsibak sa komandante't subordinato ng himpilan base sa mga alituntunin ng Commission on Elections (Comelec) sa paglipat ngayong panahon ng halalan.
Ayon kay Abalos, imposibleng hindi mapansin agad ng kapulisan ang ganitong kalaking operasyon ng krimen na umaalipusta sa halos daang-katao.
Dagdag pa niya, isa ang human trafficking sa mga kasong dapat agad aksyunan ng pamahalaan at anumang pagsasawalang bahala rito ay hindi makakatakas sa batas.
Kamakailan lang ay ni-raid ng pulisya ang sinasabing gusali kung saan 700 katao ang umano'y ginagamit upang isagawa ang ilegal na operasyon at prostitusyon sa loob ng gaming hub.
Comments