ni Lolet Abania | September 8, 2021
Ipinahayag ni Pasay City Representative Antonino Calixto ngayong Miyerkules na nagpositibo siya sa test sa COVID-19.
Kasalukuyang nasa isolation si Calixto na nakararanas ng mild symptoms ng COVID-19. Agad siyang nagpakonsulta sa doktor matapos na makaramdam ng mild cough noong Lunes.
Ayon sa mambabatas ang kanyang mga naging close contacts, kabilang na ang mga miyembro ng kanyang pamilya ay sumailalim na sa swab tests at negatibo silang lahat sa COVID-19.
Gayunman, sinabi ni Calixto na mananatili ang mga ito sa loob ng kanilang bahay ng 14-araw, kung saan ipinayo ito ng mga doktor. Ang mga staff naman ni Calixto na pumapasok sa kanyang opisina at mga nakausap niya nang personal ay sumailalim na rin sa COVID-19 tests, habang pinayuhan din ang mga ito na manatili na lamang sa kanilang bahay.
Samantala, ang kanyang kapatid na si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ay wala sa ginanap na pulong kamakailan. Panawagan naman ni Calixto sa kanyang mga kababayan na magpabakuna na kontra-COVID-19.
Comments