by Info @Editorial | Dec. 28, 2024
Nakapanlulumo ang naging ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay sa bilang ng road accident mula Christmas Eve hanggang sa mismong araw ng Pasko.
Batay sa report ng MMDA, 18 mula sa 40 aksidente ay may naitalang sugatang pasahero o drayber at ilan sa kanila ay nagtamo ng malulubhang sugat.
Sa Christmas Eve, 31 aksidente ang magkakasunod na naitala sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region (NCR). Ang nalalabing siyam ay pawang naitala sa araw ng Pasko.
Ang mataas na bilang ng mga road accident sa NCR ay sa kabila pa ng mas mababang bilang ng mga sasakyan sa mga kalsadahan dahil na rin sa holiday exodus.
Ilan sa mga naiulat na uri ng vehicular accident ay mga hit-and-run, sideswiping, multiple collision, head-on-collision, at iba pa.
Ang kumpleto at mas masaya sanang pagdiriwang ng Pasko ay nagiging masakit lalo na sa mga biktima.
Sa kabila ng mga paalala sa mga tsuper na tiyaking nasa kondisyon ang sarili at sasakyan, sadyang may mga pasaway pa rin talaga. Kung saan, may mga drayber na nakakatulog habang nagda-drive. Mayroon ding balasubas sa pagmamaneho, walang pakialam sa batas-trapiko. Ang mga ganitong uri ng drayber ang hindi na dapat binibigyan ng pagkakataon na pagkatiwalaan sa lansangan.
Kailangan mas paigtingin pa ng gobyerno ang pagsala sa mga tsuper lalo’t buhay ng maraming pasahero ang nakasalalay.
Comments