top of page
Search
BULGAR

Pasaway na drayber, walang takas sa CCTV ng NCAP, hmmm…

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | August 16, 2022





Nahuli ka na ba dahil sa NCAP? O, baka hindi mo lang alam na may huli ka na pala at mas malala ay kung hindi mo alam kung ano ang NCAP.


Sa mga ngayon pa lang nakaririnig ng tungkol sa NCAP, heto ang siste, kung saan may ticket na ang mga sasakyan dahil sa traffic violation nang walang aktwal na nanghuhuling traffic enforcers. Kaya NCAP for short ng No Apprehension Contact Policy. Sa halip na traffic enforcers ang humuhuli, gumagamit na ng mga CCTV, digital camera at iba pang technological equipment upang mag-record ng mga larawan at video ng mga sasakyang lumalabag sa mga panuntunan, regulasyon at batas-trapiko.


Maganda ang layunin nang pagtatatag ng NCAP. Ito ay isinabatas ng gobyerno upang makatulong sa pagtugon sa sitwasyon ng trapiko sa bansa. Layunin ng NCAP na gawing moderno kung paano nahuhuli at pinoproseso ang mga lumalabag sa kalsada.


Maganda man ang layunin ng NCAP, bakit tinutuligsa ito ng transport sector ng bansa?

Ayon kay Jun de Leon, ang tagapagsalita ng LABAN Transport Network Vehicle Services (TNVS) at convenor ng Stop NCAP Coalition, pino-protesta ang kasalukuyang mandato ng LTO sa pagharang ng renewal ng transport operators na may nakabimbing kaso ng paglabag sa NCAP. Kasunod ito ng mga apilang isinumite sa LTO ng mga operator na may mga application renewal na binasura ng LTO, sa kabila ng katibayang hindi sila ang nagmamaneho ng mga sasakyang may paglabag.


“Pahirap sa mahirap ang napakataas na multa ng NCAP. 'Yung mga nahuhuli ng traffic enforcers, nakakakuha ng multa na P300 hangganv P500, pero ang huli ng NCAP, nasa P2,000 hanggang P5,000 depende sa traffic violation,” ani De Leon.


Maganda man ang layunin ng NCAP, dagdag ni De Leon na hindi napapanahon ang pagpapairal nito dahil kulang na kulang pa aniya ang kagamitan at imprastrukturang ginagamit sa bansa.


“Kailangang unahin muna ang pagsasaayos ng mga kalsada, marking sa linya, signages at pag-install ng mga digital timer sa mga traffic light halimbawa. Kailangan ding ayusin ang sistema kung paano maparurusahan ang mga driver na lumalabag sa batas-trapiko, sa halip na mga operators ng taxi o jeep. Nakakaawa ang mga operators noon na hindi pinayagan ng Land Transportation Office na mag-renew ng kanilang lisensya dahil may mga nakabimbing tiket na minsan umaabot na ng P20,000 kada jeep. Mabuti na lang at umaksyon na si LTO Chief Teofilo Guadiz na i-hold muna ang kasunduan ng LTO at ng ilang LGUs na nagpapatupad ng NCAP.”


Ayon kay Guadiz, kailangang ayusin muna ang sistema para managot ang driver kapag napatunayang may-ari na hindi sila ang nagmamaneho ng nasabing sasakyan.


“Parte kami (motorista) ng problema, pero parte rin kami ng solusyon. Sana magtulungan tayo para masolusyunan 'eto. Kakampi nila kami, hindi kaaway. Maganda mithiin ng NCAP, hindi namin sinasabing, basta lang siya ipatigil, pero sana tama at makatao 'yung implementasyon,” ani de Leon.


Paano malalaman kung may NCAP violation?


Ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan ay makatatanggap ng Notice of Violation mail sa kanyang address.


Makikita naman ang kuha ng NCAP violation sa website ng NCAP ng lungsod at i-click ang "Check Your Notice." Pagkatapos, i-type ang iyong violation number at pin code (tulad ng makikita sa Notice of Violation). Ipakikita nito sa iyo ang mga detalye tungkol sa iyong paglabag, pati na rin ang file ng larawan/video ng insidente.


Depende sa lungsod, kung saan ka nahuli ang mga paraan ng pagbabayad, ngunit kadalasan ay pwede mong bayaran ang violation fee online ng mga bangko, over-the-counter o sa pamamagitan ng City Hall ng lugar.

 

Para sa inyong iba pang katanungan at kung may nais ibahaging tips, mag-email lang sa mathayrikki@gmail.com at i follow ang ating Facebook page na Rikki Mathay QC, at Instagram account na Rikki Mathay


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page