ni Ryan Sison @Boses | Nov. 16, 2024
Sa halip na maging pasaway, dapat na sumunod na lamang ang mga online seller sa mga patakaran o polisiya na ipinatutupad ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr., hindi sila magdadalawang-isip na ipasara at ipatigil ang operasyon ng mga online seller at E-marketplaces kung hindi sumusunod sa kanilang registration at tax remittance rules.
Aniya, dahil ngayon ang panahon na marami ang namimili online at malakas ang kita ng mga online business, mas pinaigting ng kagawaran ang kanilang kampanya laban sa mga ito.
Batay sa Section 115 ng National Internal Revenue Code na inamyendahan sa ilalim ng RA No. 12023, binibigyang kapangyarihan ang commissioner ng BIR na suspendihin ang mga operasyon ng negosyo, gayundin ang pag-block sa digital services at mga digital service provider sa bansa na hindi nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Binigyang-diin ni Lumagui na sakaling lumabag ang mga ito sa batas sa pagbubuwis ay kanilang sususpendihin ang operasyon ng mga online store sa ilalim ng kanilang Online Kandado program gaya ng ginagawa sa mga physical store. Iginiit din niya na ang lahat ng online stores ay kinakailangan na sumailalim sa tamang registration maging ito man ay maliit o malaki.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na ang mga may tindahan o kahit na sari-sari store ay nagbabayad ng kanilang buwis kaya nararapat lamang na ipatupad din ito sa mga online business.
Pinaalalahanan naman niya ang mga mamimili na dapat humingi sa mga online seller ng official receipt na kanilang na-purchase. Ipinunto niya na kung ginugugol natin ang ating pinaghirapang kita matapos magbayad ng buwis sa kanilang mga produkto, dapat ding magbayad ng buwis ang mga online seller.
Marahil, tama lang na sumunod ang ating mga kababayang online seller at isumite ang mga kinakailangan sa BIR.
Mahirap kasing magmatigas pa at hindi agad gawin ang ipinatutupad ng batas dahil siguradong tayo rin ang mapeperhuwisyo, kung saan hindi sila mangingimi na ipasara agad ang ating mga negosyo.
Kumbaga, no choice tayo kundi ipa-register ang ating mga online business habang magbayad tayo ng tamang buwis.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ang ibinabayad na mga buwis ng bawat mamamayan sa ating gobyerno ay totoong ginagamit sa tama at hindi napupunta sa kung saan man.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios