top of page
Search
BULGAR

Pasahero, mas magiging kumbinyente sa bagong biometrics system sa airport

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 15, 2024



Boses by Ryan Sison


Upang mapabuti at kumbinyente ang mga pasahero, pati na rin ang mga operasyon, gagamit na ng isang makabagong teknolohiya ang mga paliparan sa ating bansa.  


Ito ay matapos na pumirma ng Department of Transportation (DoTr) sa isang memorandum of understanding (MOU) sa kumpanyang UltraPass ID Corporation para sa pilot testing ng isang biometrics passenger processing system sa mga airport.


Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, ang nasabing MOU signing ay isang makabuluhang hakbang sa pagsusulong ng gobyerno para sa digitalization sa aviation sector. 


Sinabi ng kalihim na ang biometric system ay hindi lamang magbibigay ng maginhawang pagpoproseso ng mga pasahero, kundi pinahuhusay din nito ang mga security protocol. Gayundin, ang naka-embed na biometric data sa mga passport ay magbibigay-daan sa mga pasahero na makagaan sa kanila para sa check-in, security, at boarding gates. 


Aniya, sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng advanced biometric technology sa umiiral na mga government at airline digital system, higit na pinapahusay nito ang nararanasan ng mga pasahero sa mga airport.


Binigyan-diin naman ni Bautista na ito ay mayroong ugnayan o integration din sa Philippine national ID system para mabilis na ma-check ang mga pasahero. Gayundin aniya, ang biometrics system na ito ay ginagamit na ng maraming mga malalaking paliparan sa mundo.


Ang pilot testing ng biometrics system ay gagawin sa Iloilo International Airport sa unang quarter ng 2025.


Susubukan din ang naturang system sa iba pang paliparan gaya ng Tacloban, Laoag, at Bicol International Airport sa ikalawang quarter naman ng taon.


Sinabi pa ni Bautista na ipapatupad ang biometrics system ng dalawang phase, kung saan ang Phase 1 ay para sa mga pasaherong Pilipino na gumagamit ng national ID habang ang Phase 2 naman ay para sa mga dayuhang pasahero na gumagamit ng e-passport kapag nagta-travel sa loob ng bansa.


Hindi lamang malaking tulong sa mga biyahero ang pagtataglay natin ng bagong biometrics system kundi mapapahusay din ang pagpapatupad sa ating seguridad.


Kung tutuusin, kailangan talagang mas pagandahin at isaayos ang sistema sa ating mga airport. Iyon bang puwede tayong makasabay sa mga paliparan abroad na mayroong malinis na pasilidad, kumbinyente ang mga pasahero, mahusay ang mga serbisyo, at siyempre mahigpit ang security. 


At dahil sa ginagawang rehabilitasyong ito, hindi maglalaon ay magagawa na rin nating maipagmalaki ang ating mga paliparan.  


Sa kinauukulan, patuloy lang sana na mag-isip ng magagandang proyekto, lalo na sa sektor ng transportasyon, na totoong may pakinabang sa mga mamamayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page