top of page
Search

Parusang ‘firing squad’, nais ipataw sa korup na opisyal

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 23, 2025



Boses by Ryan Sison

Panahon na marahil para patawan ng death penalty ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang korup.


Ito ang House Bill 11211 o Death Penalty for Corruption Act na inihain ni Zamboanga City 1st District Rep. Khymer Adan Olaso sa Kamara. 


Layon ng panukala na patawan ng parusang kamatayan ang mga opisyal ng pamahalaan na mahahatulan ng Sandiganbayan sa mga kasong graft and corruption, malversation of public funds, at plunder sa pamamagitan ng ‘firing squad’.


Sakaling maipasa, masasakop na nito ang lahat ng public officials, elected man o appointed, mula sa pangulo hanggang sa mga opisyal ng barangay. 


Kasama rin dito ang mga nasa constitutional commissions, ehekutibo, lehislatura, at hudikatura, government-owned and controlled corporations (GOCCs), mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).


Nakasaad naman sa naturang bill ang ilang safeguards upang matiyak ang proteksyon at mayroong “due process”, habang ang mga hatol ay maaaring iakyat sa Korte Suprema upang mapag-aralan nila kung papayagan ang mga akusado na gamitin ang anumang legal remedies na mayroon sila.


Ayon kay Olaso, kahit na marami na ang panukalang batas laban sa korupsiyon, maituturing pa rin itong isa sa mga matitinding isyu na kinakaharap ng ating bansa dahil sa kabi-kabilang anomalya at katiwalian na maaaring maging banta sa social, economic, at political development ng Pilipinas. 


Ang naturang bill ay may mahalagang mensahe sa lahat ng opisyal at mga nanunungkulan sa gobyerno na lalabag dahil sa kamatayan ang parusa sa pamamagitan ng firing squad. 


Sila kasi ay maituturing na nating mga public servant na may tungkulin na dapat tuparin sa mga mamamayan at sa bayan. Ito ay ang maging tapat at totoo sa pagseserbisyo.


Kaya naman sana ay iwaksi na lamang sa mga isipan ang anumang katiwalian, maling paggamit ng pondo at pagtataksil sa tiwala ng publiko. 


Tandaan na ang korupsiyon ay hindi nakabubuti sa ating reputasyon, bagkus nakasasama pa at talagang nakasisira ng pagkatao. 


Panatilihin na lang sana ang pagiging malinis at maayos sa paglilingkod sa taumbayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page