ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 28, 2024
Dear Chief Acosta,
Ipinarating sa akin ng aking kaibigan na mayroong taong naglathala ng aking litrato sa Facebook at Instagram. Kalaunan ay napag-alaman kong ang may-akda nito ay dati kong katrabaho. Ako ay nakipag-ugnayan na sa kanya upang tanggalin ang mga ito dahil ito ay kanyang inilathala nang wala akong pahintulot. Subalit, hindi niya ako pinakinggan bagkus ay nagpatuloy pa siya sa paglathala ng aking mga litrato na may caption pa na nakakasira sa aking pangalan o reputasyon. Maaari ko ba siyang sampahan ng kaso? — Joyie
Dear Joyie,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Republic Act (R.A.) No. 11313 o ang “Safe Spaces Act” kung saan nakasaad sa Section 12 nito na:
“Section 12. Gender-Based Online Sexual Harassment. -- Gender-based online sexual harassment includes acts that use information and communications technology in terrorizing and intimidating victims through physical, psychological, and emotional threats, unwanted sexual misogynistic, transphobic, homophobic and sexist remarks and comments online whether publicly or through direct and private messages, invasion of victim’s privacy through cyberstalking and incessant messaging, uploading and sharing without the consent of the victim, any form of media that contains photos, voice, or video with sexual content, any unauthorized recording and sharing of any of the victim’s photos, videos, or any information online, impersonating identities of victims online or posting lies about victims to harm their reputation, or filing, false abuse reports to online platforms to silence victims.”
Nakasaad din sa Section 14 ng nasabing batas na:
“Section 14. Penalties for Gender-Based Online Sexual Harassment. -The penalty of prision correccional in its medium period or a fine of not less than One hundred thousand pesos (P100,000.00) but not more than Five hundred thousand pesos (P500,000.00), or both, at the discretion of the court shall be imposed upon any person found guilty of any gender-based online sexual harassment.”
Base sa mga nasabing mga probisyon ng batas, ang paglathala at patuloy na paglathala ng inyong mga litrato, nang wala kayong kaukulang permiso o pahintulot, para siraan kayo o ng inyong reputasyon ay maaaring ituring na Gender-Based Online Sexual Harassment sa ilalim ng “Safe Spaces Act.” Ang paglabag nito ay may karampatang parusa na pagkakakulong na puwedeng umabot ng hanggang apat na taon at/o fine o multa na hindi bababa sa Php100,000.00 pero hindi hihigit sa Php500,000.00. Kaya naman ang mga ginawa ng nasabing dati mong katrabaho ay maituturing na paglabag sa nasabing batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments