ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 1, 2025
Dear Chief Acosta,
Habang naglalakad ako sa isang madilim na eskinita, may dalawang pulis na sumalubong sa akin at sinabing ako ay kanilang dadalhin sa presinto. Nakatanggap diumano sila ng impormasyon na ako diumano ay may dalang baril ng walang pahintulot. Pagkarating namin sa presinto ay hinalungkat nila ang aking backpack at may nakuha silang baril. Wala talaga akong kinalaman sa baril na iyon at pakiwari ko, ibang tao ang naglagay nito sa aking backpack para ako ay makasuhan. Ano kaya ang maaari kong ikaso sa taong naging sanhi sa aking pagkaaresto? — Christopher
Dear Christopher,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Article 363 (Incriminating Innocent Persons) ng ating Revised Penal Code, kung saan nakasaad na:
“Art. 363. Incriminating innocent person. — Any person who, by any act not constituting perjury, shall directly incriminate or impute to an innocent person the commission of a crime, shall be punished by aresto menor.”
Sang-ayon sa nabanggit, ang krimen na incriminating innocent persons ay magagawa kung: (1) ang offender ay gumawa ng isang aksyon; (2) ang aksyong ito ay direktang nagdidiin sa isang inosenteng indibidwal sa isang krimen; at (3) ang aksyong iyon ay hindi perjury.
Bukod dito, pinarurusahan din sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 10591, o mas kilala bilang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act,” ang pagtatanim ng ilegal na baril o amunisyon, sa isang inosenteng tao upang idiin siya sa paglabag sa batas. Ayon dito:
“Section 38. Liability for Planting Evidence. – The penalty of prision mayor in its maximum period shall be imposed upon any person who shall willfully and maliciously insert; place, and/or attach, directly or indirectly, through any overt or covert act, any firearm, or ammunition, or parts thereof in the person, house, effects, or in the immediate vicinity of an innocent individual for the purpose of implicating or incriminating the person, or imputing the commission of any violation of the provisions of this Act to said individual. If the person found guilty under this paragraph is a public officer or employee, such person shall suffer the penalty of reclusion perpetua.”
Sa sitwasyon mo, ang baril na inilagay ng ibang tao sa iyong backpack noong ikaw ay nasa presinto upang ikaw ay mapagbintangan na lumabag sa batas tungkol sa Illegal Possession of Firearms, o isang krimen na ayon sa iyo ay hindi mo tunay na ginawa, ay maaaring magdulot ng kasong kriminal sa taong gumawa nito, sang-ayon sa Article 363 ng Revised Penal Code at pati na rin sa Section 38 ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments