ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Pebrero 23, 2024
Dear Chief Acosta,
Ang pamilya ko ay planong lumipat sa isang siyudad kung saan ako nakahanap ng trabaho. Sakto sa buwan kung kailan magsisimula na rin ang pasukan sa mababang paaralan na lilipatan ng anak ko. Ang ginagamit lang naming sasakyan para ihatid sa paaralan ang aking anak ay ang aking motor. Pangamba ko ay baka mahuli kami ng mga traffic enforcer sa aming lugar dahil mahigpit daw sila sa pagpapatupad ng traffic rules lalo na sa mga may angkas sa motor.
Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol dito? Gusto sana namin malaman kung ano ang batas tungkol sa pagsakay sa motor ng mga bata. Sana ay maliwanagan ninyo kami tungkol dito. Maraming salamat! -- Alex
Dear Alex,
Para sa iyong kaalaman, ang Republic Act No. 10666 (RA No. 10666) na tinatawag na Children’s Safety on Motorcycle Act of 2015, ang batas na may kinalaman sa iyong katanungan. Ang batas na ito ay bahagi ng pagpapatupad ng patakaran ng Estado para sa mas ligtas na pagsakay ng mga bata sa mga tumatakbong motorsiklo sa mga lansangan.
Nakasaad sa batas na ito ang ilang mga kondisyon upang makasakay ng tama ang mga bata sa motorsiklo. Ayon sa batas na ito:
Section 4. Prohibition. – It shall be unlawful for any person to drive a two (2)-wheeled motorcycle with a child on board on public roads where there is heavy volume of vehicles, there is a high density of fast moving vehicles or where a speed limit of more than 60/kph is imposed, unless:
(a) The child passenger can comfortably reach his/her feet on the standard foot peg of the motorcycle;
(b) The child’s arms can reach around and grasp the waist of the motorcycle rider; and
(c) The child is wearing a standard protective helmet referred to under Republic Act No. 10054, otherwise known the “Motorcycle Helmet Act of 2009.” (Sec. 4, RA 10666)
Ibig sabihin nito, ang mga motorsiklo na tumatakbo sa mga pampublikong kalsada na may mabigat na daloy at matulin na mga sasakyan ay hindi maaaring magsakay ng bata, kapag: ang paa ng angkas na bata ay hindi pa abot ang apakan ng motorsiklo; hindi pa kayang yapusin nang buo ng bata ang baywang ng drayber o nagpapatakbo ng motorsiklo; at kung wala itong suot na tamang helmet. Ang tanging pagkakataon na pwedeng mag-angkas ng bata sa kabila ng mga nabanggit na pagbabawal ay kung ang bata ay kinakailangang ibiyahe para sa agarang medikal na pansin o tulong. (Sec. 5, RA No. 10666)
Mahalaga na malaman ninyo ang parusa sa mga lalabag ng batas na ito. Itinatakda ng RA No. 10666 na ang mga lalabag dito ay pagmumultahin ng halagang P3,000 sa unang paglabag, P5,000 sa pangalawang paglabag, at P10,000 para sa pangatlo at mga susunod pang paglabag. Bukod sa mga multang ito, ang lisensya ng nagmamaneho ng motorsiklo ay suspendido ng isang buwan matapos ang pangatlong paglabag at agaran namang mapapasawalang-bisa ang lisensya nito matapos ang higit pa sa tatlong paglabag. (Sec. 6, Id.)
Mula sa mga nabanggit na ito, makikita na ang mga nagpapatakbo ng motorsiklo ay kinakailangang sumunod sa mga alintuntunin ng batas hindi lang para makaiwas sa mabigat na parusa kung hindi para sa kapakanan at kaligtasan din ng mga bata at ng iba pang motorista.
Sana ay nabigyan kaliwanagan namin ang iyong katanungan. Tandaan na ang aming payo ay batay lamang sa iyong mga isinalaysay at ang aming pag-unawa rito. Ano mang pagbabago sa mga detalyeng ibinigay ay maaaring magbago rin sa aming payong legal.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments