ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 9, 2023
Dear Chief Acosta,
Nakikisabay ako sa sasakyan ng aking kaibigan minsan kapag kami ay may pupuntahan.
Kapag kami ay magkasabay, madalas ko siyang napapansin na gumagamit ng kanyang cellphone kapag nagmamaneho dahil diumano sa kanyang trabaho. May mali ba sa ginagawang ito ng aking kaibigan? Salamat sa inyong tugon. - Zha
Dear Zha,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 4 ng Republic Act (R.A.) No. 10913 o mas kilala sa tawag na “Anti-Distracted Driving Act”, na nagsasaad na:
“Section 4. Distracted Driving. - Subject to the qualifications in Sections 5 and 6 of this Act, distracted driving refers to the performance by a motorist of any of the following acts in a motor vehicle in motion or temporarily stopped at a red light, whether diplomatic, public or private, which are hereby declared unlawful:
(a) Using a mobile communications device to write, send, or read a text-based communication or to make or receive calls, and other similar acts; and
(b) Using an electronic entertainment or computing device to play games, watch movies, surf the internet, compose messages, read e-books, perform calculations, and other similar acts.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, idinedeklara na mali o isang paglabag sa batas ang paggamit ng mga mobile communications devices upang magsulat, magpadala o magbasa ng mga text-based communications, o tumawag o tumanggap ng tawag habang nagmamaneho ang isang tao o kahit ang sasakyan ay nakahinto dahil sa red light. Gayundin, ipinagbabawal ang paggamit ng electronic entertainment or computing device para maglaro, manood ng mga pelikula, o anumang gawain na makakaapekto sa pagmamaneho.
Sa iyong nabanggit na sitwasyon, isang paglabag sa batas ang ginagawa ng iyong kaibigan kung siya ay gumagamit ng kanyang cellphone habang siya ay nagmamaneho.
Nais din namin ipaalam sa iyo na may katumbas na parusa ang sino mang mapapatunayan na lumabag sa nasabing batas tulad ng nakalahad sa Seksyon 8 ng R.A. No. 10913.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala
Comentários