ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 15, 2023
Dear Chief Acosta,
Nahuli ko ang aking asawa na nakikipagtalik sa ibang lalaki nang ako ay pumasok sa kuwarto ng aming bahay. Nawalan ako ng kontrol kaya’t napatay ko ang kanyang kalaguyo. Nagsisisi man ako sa aking nagawa ay dala ito ng bugso ng aking naramdaman ng mga panahong iyon.
Mayroon ba akong depensa hinggil dito? - Vicente
Dear Vicente,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Article 247 ng Revised Penal Code, kung saan nakasaad na:
“Article 247. Death or physical injuries inflicted under exceptional circumstances. - Any legally married person who having surprised his spouse in the act of committing sexual intercourse with another person, shall kill any of them or both of them in the act or immediately thereafter, or shall inflict upon them any serious physical injury, shall suffer the penalty of destierro.
If he shall inflict upon them physical injuries of any other kind, he shall be exempt from punishment.
These rules shall be applicable, under the same circumstances, to parents with respect to their daughters under eighteen years of age, and their seducer, while the daughters are living with their parents.
Any person who shall promote or facilitate the prostitution of his wife or daughter, or shall otherwise have consented to the infidelity of the other spouse shall not be entitled to the benefits of this article.”
Ayon sa nasabing batas, ang isang taong nahuli ang kanyang asawa sa akto ng pakikipagtalik sa ibang tao ay hahatulan lamang ng parusang destierro kung mapatutunayan na napatay niya ang kanyang asawa o ang kabit nito, sa puntong kanyang nahuli ang mga ito sa akto ng pakikipagtalik o agad-agad pagkatapos nito. Ang parusang destierro o ang pagbabawal na pumasok o pumunta sa isang lugar na itinalaga ng batas ang tanging ipapataw sa sinumang malalagay sa partikular na kalagayan.
Sa iyong sitwasyon, dahil nahuli mo ang iyong asawa at ang kanyang kalaguyo sa akto ng pagtatalik, at kung iyong mapatutunayan ang pangyayaring ito, maaari ka lamang mapatawan ng parusang destierro para sa iyong nagawa sa kalaguyo ng iyong asawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Commentaires