top of page
Search
BULGAR

Parusa sa doktor na iskolar na bigong tapusin ang mandatory return service

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 20, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nakatapos ako ng medisina at naging isang ganap na doktor dahil sa “Doktor Para sa Bayan Scholarship Program.” Ako ay kasalukuyang nakatalaga sa isang liblib na munisipalidad bilang bahagi ng aking return service. Kamakailan ay nabigyan ako ng oportunidad para makapag-aral ng libre sa ibang bansa. Gayunpaman, kung tatanggapin ko ito, hindi ko matatapos ang aking return service. Mayroon bang anumang legal na implikasyon kung aking tatanggapin ang scholarship sa ibang bansa? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Pete Albert


 

Dear Pete Albert,


Para sa layunin na makapagbigay ng wasto at mahusay na pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan, lumikha ang ating pamahalaan ng programa na nagtatatag ng isang scholarship program at return service kung saan mabibigyan ng pagkakataon ang mga kapus-palad at walang pinansyal na kakayahan na makapag-aral ng medisina.


Ang Republic Act (R.A.) No. 11509, o mas kilala bilang “Doctor Para sa Bayan Act”, ay nagtatag ng medical scholarship at return service programs upang mapag-aral ng libre ang mga kuwalipikadong iskolar ng kursong medisina at makapagbigay sila ng serbisyo sa ating mga mahihirap na kababayan. 


Ang mga nakatanggap ng scholarship na ito ay inaatasan ng batas na magbalik ng serbisyo sa gobyerno. Sa madaling salita, matapos maipasa ang Physician Licensure Examinations, ang isang iskolar ay inaatasan na magtrabaho sa gobyerno. Gayunpaman, ang batas ay nagtatakda ng ilang pamantayan para sa mga hindi makatatapos ng return service. Sa ilalim ng Seksyon 9 ng nasabing batas:


“Section 9. Sanctions. - A physician who has availed of the MSRS Program but fails or refuses to comply with the mandatory return service and integration provided under this Act shall be required to pay two (2) times the full cost of scholarship, including other benefits and expenses incurred by reason of participation in the MSRS Program.


In case of nonpayment, as provided in the preceding paragraph, the PRC shall deny the renewal of the physician’s license: Provided, That the above mentioned penalties shall not apply to physicians who fail to comply with the required return service on account, or by reason of, severe or serious illness.”


Base sa nakasaad na probisyon ng batas, ang isang doktor, na naging iskolar sa ilalim ng programa ng Republic Act No. 11509, na nabigo o tumatangging sumunod sa mandatory return service o pagbabalik ng serbisyo ay kailangang magbayad ng dalawang beses ng buong halaga ng scholarship na kanyang natanggap. Kabilang dito ang iba pang mga benepisyo at gastos na natamo bilang isang iskolar ng gobyerno.


Upang sagutin ang iyong katanungan, ikaw ay maaaring pagbayarin ng dalawang beses ng kabuuang halaga ng benepisyong natanggap mo sa iyong scholarship kung sakaling mapatunayang ikaw ay nabigo sa pagkumpleto ng iyong return service. Kung sakaling hindi mo mabayaran ang nasabing halaga, maaaring hindi i-renew ng Professional Regulation Commission ang iyong lisensya bilang doktor. 


Tandaan lamang na ang nabanggit na parusa ay hindi naaangkop sa mga doktor na nabigong sumunod sa kinakailangang return service dahil sa malubhang karamdaman.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page