Partylist sa ‘Pinas, pang-political dynasty na, pang-rich pa
- BULGAR
- 10 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 24, 2025

PAGPAPAKULONG NI SP ESCUDERO KAY LACANILAO PARANG PAKITANG-TAO LANG -- Dalawang araw lang pala na ikukulong sa detention facility ng Senado si Special Envoy on Transnational Ambassador Markus Lacanilao na ipina-contempt nina Sen. Imee Marcos at Sen. Ronald Dela Rosa sa isyung pagsisinungaling sa pag-aresto at pagpapakulong kay ex-PDu30 sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.
Nangangahulugan iyan na pakitang-tao lang ang utos ni Senate President Chiz Escudero na ikulong si Lacanilao, kasi parang pinagbakasyon lang ito ng dalawang araw sa kulungan ng Senado, boom!
XXX
DAPAT MABAHALA ANG MALACAÑANG SA UNTI-UNTING PAGKAWALA NG TIWALA NG TAUMBAYAN SA PRESIDENTE -- Hindi raw nababahala ang Malacañang sa patuloy na pagbaba ng trust rating ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM).
Hindi nababahala? Aba’y sa totoo lang ay nakakabahala iyan kasi nga unti-unting nawawala ang tiwala ng taumbayan sa liderato ni PBBM, period!
XXX
DATI PARTYLIST SA ‘PINAS PANG-POOR LANG, PERO NGAYON PANG-POLITICAL DYNASTY NA, PANG-RICH PA -- Mahigit sa kalahati ng mga partylist na pinayagan ng Comelec na lumahok sa halalan ay partylist ng mga political dynasty at mayayaman.
Ang partylist system ay itinatag sa bansa para sa kapakanan ng mga mahihirap na sektor ng lipunan, pero sa sistema ngayon, hindi lang pang-poor ang partylist sa ‘Pinas, kundi pang-political dynasty na, pang-rich pa, pwe!
XXX
UBOD NANG LAKAS NI ‘LAKAY’, WALANG NANGHUHULI SA KANYA KAHIT SANDAMAKMAK ANG RAKET SA LUNGSOD -- Magkatunggali sa pagka-alkalde ng Parañaque City ang maghipag na Congressman Edwin Olivarez at Aileen Olivarez na misis ni Mayor Eric Olivarez.
Ang sabi ni Cong. Edwin na kapag daw siya ang nagwagi sa pagka-mayor ay tapos na rin daw ang maliligayang araw ng mangraraket na si “Lakay,” na namayagpag daw ang raket nang maging alkalde ng lungsod si Mayor Eric Olivarez.
Sino si “Lakay” at bakit ubod nang lakas nito sa city hall kung kaya’t walang pulis na nanghuhuli rito sa kabila na sandamakmak ang raket nito sa lungsod? Abangan!
ความคิดเห็น