top of page
Search
BULGAR

Pareho ring kaliwete… ANAK NINA LUIS AT JESSY, SI VILMA ANG MAS KAMUKHA

ni Melba R. Llanera @Insider | July 30, 2023




Kinatutuwaan ng mga netizens ang mga posts ni Ms. Vilma Santos-Recto kung saan ipinapakita niya ang mga larawan nila ng apong si Isabella Rose o Baby Peanut at kapansin-pansin ang malaki nilang pagkakahawig.


Madalas, parehong naka-headband ang mag-lola sa pinagtabing larawan kung saan kitang-kita ang resemblance nilang dalawa.


Sa interview namin sa Star for All Seasons sa nakaraang pictorial para sa pelikulang When I Met U In Tokyo, masayang nagkuwento ang aktres na bukod sa pareho silang mahilig mag-headband ng apo ay pareho pala silang kaliwete.


Lolang-lola na ibinahagi sa amin ni Ate Vi na isa sa mga nagbibigay ng inspirasyon sa kanya ang apo, pero ayaw din niyang solohin ang apo dahil sa edad nitong anim na buwan ay alam niya na gusto ng mga magulang nito na mas makasama si Baby Peanut.

Nagpasalamat din si Ate Vi sa manugang na si Jessy Mendiola sa naging pahayag nito na labis ang pasasalamat niya sa kanyang mga in-laws dahil anumang oras na kailangang may pag-iwanan sa anak ay laging available ang mga ito, bukod pa sa nakikita niya kung paano alagaan at mahalin ng mga ito ang kanilang anak ni Luis Manzano.


Siniguro rin ni Ate Vi na anumang oras na kailanganin nina Luis at Jessy ng suporta at tulong ay lagi siyang available para sa mga ito.

Nakita rin ng aktres kung gaano kalaki ang ipinag-mature ng anak na si Luis mula nang dumating sa buhay ng mag-asawa si Baby Peanut.


Pagmamalaki nga ni Ate Vi ay moment na maituturing 'yung video ni Luis kung saan tila ayaw payagan ni Baby Peanut ang ama para magtrabaho.

Samantala, masaya at sobrang excited si Vilma sa pagpapalabas ng comeback project ng love team nila ni Christopher de Leon, ang When I Met U In Tokyo. Hiling ng marami ay masama sana bilang isa sa mga entries sa 2023 Metro Manila Film Festival ang pelikula.


Para kay Ate Vi, ipinauubaya na lang niya sa tadhana kung nakatakda bang mapasama sila sa MMFF, pero alam niya na magandang mapabilang sila rito dahil ito ang pagkakataon na may pera ang tao at nanonood talaga sa mga sinehan.


Natutuwa rin siya na walang nakitang pagbabago sa chemistry nila ni Boyet at hanggang ngayon ay nandu'n pa rin 'yun. Biro nga sa amin ni Ate Vi, kung tutungtong kaya sila ni Boyet sa edad na otsenta'y singko ay may mag-aalok pa rin kaya sa kanila ng pelikula?

Puring-puri rin ni Ate Vi ang lahat ng bumubuo sa When I Met U In Tokyo mula sa mga kapwa artista, staff at production crew na ayon sa kanya ay naitawid nila nang maayos ang pelikula kahit pa nga may mga aberya silang napagdaanan habang nagsu-shoot sila sa Japan ng malaking porsiyento ng pelikula.

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page