ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 10, 2024
HIRIT NG KAMARA, IN AID OF LEGISLATION ANG IMBESTIGASYON SA CONFI FUNDS, ‘YUN PALA PASASAMPAHAN NILA NG PATONG-PATONG NA KASO SI VP SARA -- Sa wrap up committee report ng House Committee on Good Government and Public Accountability na nag-imbestiga sa sinasabing confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Dept. of Education (DepEd) ay ang mga kasong posibleng kaharapin daw nina Vice President Sara Duterte-Carpio at mga tauhan nito sa OVP at DepEd ay plunder, technical malversation, falsification of public documents at perjury.
Noong una, sabi ng Kamara ay in aid of legislation daw ang pakay nila sa pag-iimbestiga nila sa confi funds ng OVP at DepEd, pero sa kanilang wrap up committee report, mas nagpokus sila sa mga patong-patong na kasong maaaring irekomenda nila sa Dept. of Justice (DOJ), period!
XXX
CONFI FUNDS AT PORK BARREL SCAMS, PAREHONG MGA BOGUS NA ‘TAO’ ANG RECIPIENTS -- Sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na bukod sa mga bogus na pangalang “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin,” ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay mayroon pang 405 na “taong” binigyan o naging recipients ng confi funds ng OVP at DepEd, at mga “taong” bogus din daw dahil wala raw birth record ang mga ito sa PSA.
Dahil diyan, lumalabas na itong confi funds scam ay mahahalintulad sa pork barrel scam na kinasangkutan ng ilang senador at ilang kongresista noon, kasi parehong mga bogus na “tao” ang mga naging recipient nila sa confi at pork barrel funds, boom!
XXX
ASAHAN NA NI VP SARA NA ANG KINASANGKUTANG CONFI FUNDS SCAM GAGAMITIN LABAN SA KANYA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Kung ginaya lang ni VP Sara ang pinalitan niya sa puwesto na si former VP Leni Robredo na hindi humingi ng confi fund, wala sana siyang kinakaharap na kontrobersya ngayon.
Kaya’t asahan na ni VP Sara na sa pagtakbo niyang kandidato sa pagka-presidente sa 2028 election, gagamitin ng mga makakalaban niya sa eleksyon ang kinasangkutan niyang confi fund scam, period!
XXX
IMBESTIGAHAN DIN KAYA NG KAMARA ANG ISINAPUBLIKO NG COA NA P10B CONFI AND INTEL FUNDS ANG NAGASTOS NG OFFICE OF THE PRESIDENT --Isinapubliko ng Commission on Audit (COA) na P10 billion confidential and intelligence funds ang nagasta ng Office of the President (OP) nitong nakalipas na year 2023.
Aba’y dapat imbestigahan din iyan ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kasi tulad ng sinasabing mga bogus na “taong” nabigyan ng confi funds ni VP Sara, ay baka mga bogus na “tao” rin ang mga nabigyan ng confi and intel funds ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), boom!
Kommentare