ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | September 3, 2020
Lalo pang tumibay ang tsansa ni Fil-Japanese Yuka Saso na makakuha ng upuan sa women's golf event sa Japan sa susunod na taon matapos itong sumibad sa pang 30 baytang galing sa pang-46 na posisyon ayon pinakahuling talaan para sa Tokyo Olympics Golf Rankings.
Animnapung lady golfers lang ang papayagang maglaro sa Olympics sa susunod na taon at nililimitahan sa dalawang manlalaro lang kada bansa ang puwedeng pumalo sa event. At dahil sa pagpasok ng 19-taong-gulang na si Saso sa kalagitnaan ng elite roster, halos tiyak nang madadagdagan ang mga makakasama nina EJ Obiena (pole vault, athletics), Felix Eumir (boxing), Carlos Yulo (artistic gymnastics) at Irish Magno (boxing) sa pagpapakinang ng tatlong kulay ng bandila ng Pilipinas sa prestihiyosong sports event sa Japan sa 2021. Isa pang Pinay, si Dottie Ardina, ay nasa top 60 rin at posibleng makasama sa Tokyo Olympics.
Bukod dito, pumasok na rin sa top 100 ang Asian Games double gold medalist sa Rolex Women's World Golf Rankings at kasalukuyang hawak ang pang-76 na puwesto mula sa pagkakasadlak nito sa pang-287 na upuan bago nagsimula ang coronavirus pandemic.
Naging napakalaking instrumento sa malupit na pang-angat ni Saso sa pandaigdigang hagdan ay ang mainit niyang arangkada sa malupit na Japan Ladies Professional Golf Association (Japan LPGA) Tour. Tatlong torneo pa lang ang sinasalihan niya rito pero dalawang korona na ang kanyang naiuwi. Ang Youth Olympic Games silver medalist ang umakyat sa mga trono ng NEC Karuizawa 72 Golf Tournament (Nagano Prefecture) at ng Nitori Ladies Golf Tournament (Otaru Country Club, Hokkaido) Bukod pa rito ay pumanglima siya sa isa pang paligsahan na kanyang sinalihan (Earth Mondamine Cup, Chiba, Japan).
At ang masamang balita para sa mga karibal ng dalagita, inaasahan pang lalong huhusay si Saso dahil tila nagsisimula pa lang ito sa pag-aaral sa buhay professional.
Kommentare