ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 21, 2021
Nagsumite noong Huwebes ng gabi (oras sa MNL) si Tokyo 2020+1 Olympian at kasalukuyang U.S.Open Champion Yuka Saso ng 4-under-par 68 ng isang mainit na arangkada sa Ladies Professional Golf Association (LPGA) AIG Women’s Open sa Scotland upang buhayin ang tsansa niya para sa pangalawang major title ngayong taon.
Sinamantala ng 20-taong-gulang na Fil-Japanese ang lahat ng par-5 na mga butas para isalpak ang isang makinang na eagle (hole no. 12) at dalawang birdies (hole nos. 6 at 14) sa palaruan ng Carmoustie links at matagumpay na makaupo sa pang-apat na puwesto. Bukod dito ay nakahirit din si Saso ng birdie sa pang-5 butas para kontrahin ang bogey sa hole no. 2.
Sariwa si Saso, double gold medal winner sa Palembang Asian Games, sa isang top 10 performance (9th place) sa Summer Olympics. Nakuha rin niya ang pang-15 puwesto sa Trust Golf Women’s Scottish Open kung saan nagbulsa siya ng mahigit Php 1M bilang pabuya. Kung magwawagi si Saso sa kasalukuyang paligsahan ay malaki ang tsansang ang world no. 8 lady parbuster mula sa Pilipinas ang makakakuha ng prestihiyosong 2021 LPGA Rolex Annika Major Award.
Isang palo lang ang layo ng kanyang iskor sa 67 strokes ng tumatrangkong troika nina world no. 1 at Olympic titlist Nelly Korda ng USA, Swedish Madelene Sagstrom at 2020 KPMG Women’s PGA queen Sei Young Kim mula sa South Korea. Kasalo ni Saso sa pang-apat na baytang sina 2018 British Open winner Georgia Hall, LPGA Tour rookie Andrea Lee (Estados Unidos) at si amateur Louise Duncan (Scotland).
Sina Lexi Thomson (USA), Carlota Ciganda (Spain) at Lizette Salas (USA) ay kumartada ng kani-kanyang 69 tungo sa paghahati-hati ng pangwalong posisyon habang ang nagtatanggol na kampeong si Sophia Popov ng Germany ay nasa pang-41 baytang sa kompetisyong sinasalihan ng may 144 na manlalaro.
Comments