ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 1, 2020
Ipinagbabawal ang mga manonood sa mga maiigting na torneo ng ginaganap na Japan Ladies Professional Golf Association (JPLGA) Tour upang hindi lumaganap ang COVID-19 kaya hindi nila nasasaksihan ang patuloy na pamamayagpag ng isang bagitong dalagita mula sa Pilipinas.
Pagkatapos ng anim na paligsahan sa post-lockdown season kung saan tahimik ang mga golf courses, nagsisilbing mukha ng JPLGA si rookie Fil-Japanese Yuka Saso dahil sa pamamayagpag nito sa Mercedes Benz Player of the Year Derby at sa paghawak nito ng trangko sa iba't-ibang departamento ng malupit na tour.
Sa bakbakan para sa Player of the Year, may naipon na ang double Asian Games gold medalist ng 687.35 puntos upang makadistansiya nang maayos sa pumapangalawang si Sakura Koiwai na meron lang nakolektang 544.0 puntos.at sa pumapangatlong si Saki Nagamine (507.25 puntos).
Alagwa pa rin sa Money Ranking ang dalagita bunga nang napagwagian na niyang JPY 63,964,000 samantalang nasa malayo ang pagkakabuntot nina Ayaka Watanabe JPY 52,228,000 (pangalawa) at si Nagamine JPY 45,184,000 (pangatlo).
Una pa rin sa talaan ng scoring average ang 19-taong-gulang na pambato ng Pilipinas dahil sa kanyang markang 69.381 strokes kontra sa 69.70 at 70.1053 nina Koiwai at Ayaka Furue ayon sa pagkakasunod-sunod.
Sa paramihan naman ng eagles, nasa unahan pa rin ng pulutong si Saso dahil sa nairehistro niyang tatlo habang sa karera para birdies, siya pa rin ang may hawak ng trangko sa bilang na 86.
At siyempre, sa paramihan ng torneong napagwagian, ang Pinay pa rin ang una dahil nakasikwat na ito ng dalawang korona (Nitori Ladies Golf Tournament at NEC Karuizawa 72 Golf Tournament) bagamat ilang buwan pa lamang siya sa mundo ng professional golf. Bukod dito, meron pa rin siyang dalawang beses na pagkakataong nakapuwesto sa top 10.
Komentar