top of page
Search
BULGAR

“Parang pelikula, puro palabas”: Pasig Vice Mayor binanatan si Mayor Vico Sotto

ni Jasmin Joy Evangelista | January 19, 2022



Naglabas ng pahayag si Pasig Vice Mayor Iyo Bernardo nitong Martes ng gabi dahil umano sa mga paratang at paninira ni Mayor Vico Sotto sa pangalan ng Caruncho family sa lungsod.


Ayon kay Bernardo, puro palabas sa social media ang ginagawa ng alkalde. Tila isa umano itong movie actor na gumagawa ng palabas para sa mga manonood para matakpan ang mga pagkakamali at pagkukulang sa panunungkulan.


"Nakakalungkot na ang Pasig, naging isang pelikula na lamang. Puro palabas," ani Bernardo.


“Nakakalungkot na ngayon pilit na ginagamit ang internet para matabunan lahat ng pagkakamali at kakulangan sa serbisyo... Parang palabas sa TV. Alam mo (Sotto) ang formula para mapansin, sumikat at pag-usapan," pahayag pa niya.


Sinisira umano ni Sotto ang pangalan at reputasyon ng pamilya Caruncho sa naging pahayag nito sa flag raising ceremony last week.


“Suwerte ka sumikat ka ngayong panahon ng social media… Alam mo ang formula para mapansin, sumikat at mapag-usapan,” pahayag ng bise alkalde.


Si Sotto ay kasalukuyang naka-isolate matapos magpositibo sa COVID-19.


Sila ay magkatunggali sa pagka-alkalde ng Pasig ngayong 2022 elections.


Masuwerte raw si Sotto at sumikat ngayong panahon ng social media.


"Hindi mo naranasan noong panahon na sinusukat ang eleksyon sa husay ng paglilingkod," ani Bernardo.


"Sa kalye nasusukat ang tunay na serbisyo, ang tunay na pagmamalasakit," dagdag pa niya.


Sinagot din ni Bernardo ang mga pahayag ni Sotto sa flag raising ceremony kung saan hindi umano sumasagot ang vice mayor sa mga text at tawag ng alkalde para pag-usapan ang mga city-related matters.


"Ito ang telepono ko. Wala pong message o tawag si Mayor Vico Sotto," aniya.


"Para sadyain mong palabasin na ako ay nasa air-conditioned room lang at hindi nagtratrabaho, kailangan kong ipaalala sa iyo ang ambag ko at ng aking pamilya sa Pasig," dagdag pa niya.


Ipinaliwanag niya na siya ay nagtatrabaho at ginagawa niya ang kanyang mga tungkulin bilang vice mayor ng Pasig.


"Lahat po ng batas at budget na ikagagaang ng pamumuhay niyo ngayon, sa pamumuno ko, kasama ng buong city council, ay amin na pong naipasa," giit ni Bernardo.


Pinatawag pa raw ni Sotto ang mga miyembro ng city council at pinagalitan hinggil sa pagtataas ng cash aid ng tricycle drivers.


“Ang P3,000 budget para sa ating mga TODA (Tricycle Operators and Drivers Association) ay minabuti naming gawing P4,000 pero imbis na ikatuwa mo ito, pinatawag mo kasi sa 8th floor para pagalitan," ani Bernardo.


"Ako kasama ang buong city council ang direktor at cameraman. Hindi mabubuo ang isang pelikula na wala kami kung saan ang aktor ay umaarte lamang para mabigyang buhay ang kuwento pero sila ang sumisikat, pinapalakpakan," aniya pa.


Kinuwestiyon din ni Bernardo ang pag-appoint umano ni Sotto ng department heads na hindi naman taga-Pasig.


"Nakakalungkot isipin na sinakop na tayo. Wala ka bang bilib sa kakayahan ng mga Pasigueño?" aniya.


"Ano ang mayroon sa mga nakaupo ngayon na taga-Quezon City at San Juan na wala sa mga pinamumunuan mo?" tanong niya.


Sinabi rin ng bise alkalde na hindi sana siya maglalabas ng video statement kung hindi siya binanatan publicly ni Mayor Vico.


"Kaya ako magsasalita ngayon ay para proteksyunan ang pangalan ng pamilya Caruncho na pilit mong dinudumihan," ani vice mayor Bernardo, na apo ni former Pasig Mayor Emiliano Caruncho Jr.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page