top of page
Search
BULGAR

Parak, drug suspect, patay sa engkuwentro

ni Lolet Abania | December 30, 2020




Patay ang isang police officer at isang drug suspect matapos ang naganap na engkuwentro sa Caloocan City, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Miyerkules.


Kinilala ang nasawing pulis na si Police Corporal Dexter Rey Teves, nakatalaga sa Caloocan City Police Station.


Ayon sa PNP, pinara at sinita nina Teves at Police Corporal Rex Abraham Abigan ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo dahil sa walang suot na helmet sa Barangay 167.


Nang hingin ng mga pulis ang dokumento ng motorsiklo, isa sa dalawang suspek, na kinilalang si Mark Gil “Macoy” Toreda ang bumunot ng baril at ipinutok sa kanila na tumama kay Teves.


Agad namang inagaw ni Abigan ang baril ng suspek subalit tinamaan din siya sa kanang paa.


Nang marinig ang mga putok ng baril, agad na rumesponde ang duty police officer na si Police Staff Sergeant Christopher Anos sa lugar at binalikan ng putok ang dalawang suspek kung saan tinamaan si Toreda na naging dahilan ng pagkamatay nito.


Sinubukang tumakas ng kasama ni Toreda na si Clark Castillo, subalit nahuli siya ng mga bystanders.


Dinala ang dalawang pulis sa Novaliches General Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival si Teves ng mga doktor.


Nakumpiska sa mga suspek ang isang caliber 9mm pistol, isang MK2 fragmentation hand grenade, anim na piraso ng heat-sealed plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu at P3,500 cash.


Tiniyak naman ni PNP chief Police General Debold Sinas na pagkakalooban ng suportang pinansiyal ang pamilya ng namatay na si Teves, gayundin, ang nasugatang si Abigan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page