top of page
Search
BULGAR

Paragua, kampeon sa Online Battle of Grandmasters

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 30, 2020




Nagparamdam ng kanilang angas ang mga chessers na nakabase sa Estados Unidos nang hablutin ni GM Mark Paragua ang korona at maging podium finisher naman si GM Oliver Barbosa sa pagtatapos ng Battle of Grandmasters Online Rapid Chess Tournament.


Hindi naman nagpaiwan sa tikas si GM Rogelio Antonio Jr. matapos itong pumangalawa sa kabila ng pagiging "senior woodpusher" nito at si GM John Paul Gomez na nakisosyo sa pangatlong puwesto sa torneong ginanap sa pamamagitan ng lichess portal.


Dahil sa tagumpay, nanatiling nagbabaga ang mga sulong ng Pinoy chesser na nakabase sa New York dahil noong unang hati ng Hunyo ay itinanghal din itong kampeon sa Philippine Bullet Chess Championships.


Sa Battle of GMs na ginanap upang ipagdiwang ang kaarawan ni Prospero Pichay at nilimitahan lang sa paglahok ng 16 na piling woodpushers, sumabak sa hamon ng apat na magkakaibang karibal ang dating World Under-14 Rapid Chess titlist na si Paragua at nagtagumpay para maibulsa ang champion’s purse na nagkakahalaga ng P25,000.


Unang nalampasan ni Paragua, batikan ng maraming Chess Olympiads suot ang tatlong kulay ng Pilipinas, si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna sa kanilang sariling serye bago niya dinaig si GM Richard Bitoon sa final 8 na bakbakan ng kompetisyong nilapatan ng “10-minuto, 10-segundo” na time control. Sa semifinals, ginawang tuntungan ng Bulakenyong si Paragua papunta sa championship play-off si Barbosa, na naninirahan na rin sa New York, kung saan nakasagupa niya si Antonio. Dito, sinikwatan niya ng panalo si Antonio sa unang laro bago nakipaghatian ng puntos sa pangalawang laban upang mangibabaw sa serye, 1.5-0.5. Sa kabila ng pagkatalo, nag-uwi ng P15,000 si Antonio.


Sa isa sa mga inaabangang duwelo, dinaig ni FIDE Master Sander Severino, isang multiple gold medalist sa Asian Paralympics at bagong hirang na world champion nang maghari ito sa IPCA (International Physically Disabled Chess Association) World tilt, ang unang grandmaster ng Asya na si Eugene Torrre. Ngunit hindi nakalagpas sa quarterfinals si Severino.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page