top of page
Search
BULGAR

Paraan upang mapanatiling mababa ang blood sugar level

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 23, 2022




Dear Doc Erwin,

Ako ay 45 years old at isang OFW na kasalukuyang nagtatrabaho sa United Arab Emirates. Sa aming huling medical examination ay nalaman ko na ako ay overweight at nag-uumpisa ng tumaas ang aking blood sugar level. Sabi ng doktor ay kung patuloy itong tumaas ay maaaring magkaroon ako ng diabetes at iinom ako ng gamot upang ang blood sugar level ko ay bumaba.


Nais kong malaman kung may mga natural bang paraan upang mapababa ko at mapanatiling mababa ang aking blood sugar level at ano ang mga dahilan sa pagtaas ng blood sugar level. Nais kong maiwasan ang magkaroon ng diabetes at uminom ng gamot sa diabetes. Sana ay matugunan ninyo ang aking katanungan. - Roberto


Sagot


Maraming salamat Roberto sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang iyong kondisyon ay tinatawag na Hyperglycemia. Ito ay ang pagtaas ng blood sugar level ng mas mataas sa normal. Sinusukat ang blood sugar level matapos ang 80-oras na fasting.


Ayon sa Cleveland Clinic, ikaw ay may “impaired glucose tolerance” o “pre-diabetes” kung ang iyong fasting blood sugar ay mula 100 hanggang 125 mg/dL. Kung ang fasting blood sugar level ninyo ay mas mataas sa 125mg/dL, kayo ay may diabetes na.


Maaari rin sukatin ang iyong blood sugar level, isa o dalawang oras matapos kumain. Kung ang iyong blood sugar level ay mas mataas sa 180 mg/dL, ay mataas ang inyong blood sugar level at kayo ay may “hyperglycemia”.


May mga kadahilanan ang pagtaas ng blood sugar level. Matapos kumain ng pagkain na mayaman sa carbohydrates katulad ng kanin, tinapay o pasta ay tumataas ang ating blood glucose (sugar) level. Tumataas din ang pag-release ng insulin ng ating katawan. Tinutulungan ng insulin ang glucose upang makapasok sa ating mga cells upang magamit ito bilang enerhiya. Ang excess na glucose na hindi nakapasok sa mga cells ay nai-store sa ating mga muscles at sa ating liver bilang glycogen.


Sa paraang nabanggit ay napapababa ng insulin ang ating blood sugar level. Kung hindi na nakagagawa ng insulin ang ating katawan o kulang na ang ginagawang insulin ng ating katawan ay maaaring tumaas ang ating blood sugar level. Maaari rin tumaas ang ating blood sugar level kung maging resistant ang ating katawan sa epekto ng insulin, kahit na normal ang level ng insulin ng ating katawan. Ang tawag sa kondisyong hindi na nakagagawa ang ating katawan ng insulin ay Type 1 diabetes. Ito ay Type 2 diabetes kung kulang ang insulin o resistant ang ating katawan sa epekto ng insulin.


May mga kondisyon pa na tumataas ang ating blood sugar level katulad ng pagkain ng maraming carbohydrates at kakulangan sa exercise o physical activity. Maaari ring tumaas ang blood sugar level kung may physical stress, tulad ng pagkakasakit ng sipon, trangkaso o anumang infection. Ang emotional stress ay maaari ring mapataas ang ating blood sugar level.


Ang mga sakit tulad ng Cushing syndrome, sakit sa ating pancreas at physical trauma tulad ng surgical operation ay magpapataas ng ating blood sugar level. Ang pag-inom ng steroids ay nakakataas ng ating blood sugar level. Ang pag-inom ng alak ay maaaring makapagpababa o makapagpataas ng blood sugar level.


Paano natin mapapababa ang ating blood sugar level sa natural na pamamaraan? Ayon sa Mayo Clinic, kinakailangan na balanse ang ating kinakain at iwasan ang pagkain ng maraming carbohydrates at matamis na inumin. Ang pagkain ng mga sumusunod na gulay ay makakatulong sa pagpapanatili ng mababang blood sugar level — kamatis, broccoli, cauliflower, lettuce, cabbage, green peas celery, bell pepper at talong. Maari ding kumain ng mga prutas na apple, peras, avocado, lives, strawberries, orange, coconut at oranges.


Bukod sa mga nabanggit ay ipinapayo din ng mga eksperto sa diabetes na regular na mag-exercise, pababain ang timbang at bawasan din ang iniinom na alak.


Sikapin na makapag-exercise ng 30 minutes sa isang araw o 150 minutes sa loob ng isang linggo. Ang aerobic exercise na may kasamang resistance training ay makakabuti sa iyong katawan at makakatulong sa pagbaba ng blood sugar level. Siguruhin lamang na uminom ng tubig habang nag-e-exercise. Ang dehydration ay maaaring makataas ng blood sugar level.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page