top of page
Search
BULGAR

Paraan upang makakuha ng SSS Benefits ang mga biktima ng kalamidad

@Buti na lang may SSS | November 7, 2021



Dear SSS,


Nais ko sanang malaman ang mga kondisyon tungkol sa calamity loan para sa mga naapektuhan ng Bagyong Fabian. Paano mag-apply dito? – Larry ng Malabon City


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Larry!


Sa panahon ng mga kalamidad ay maaasahan ng ating mga miyembro ang tulong mula sa SSS.


Simula noong Martes, Nobyembre 2, 2021 ay binuksan ng SSS ang Calamity Assistance Package (CAP) upang mabigyan ng tulong-pinansiyal ang mga miyembro at pensiyunado na lubhang naapektuhan ng Bagyong Fabian sa Calapan at Naujan sa lalawigan ng Oriental Mindoro, Malabon City sa National Capital Region (NCR) at sa iba pang lugar na maaaring ideklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity dulot ng nasabing bagyo.


May tatlong kategorya sa ilalim ng programang ito na binubuo ng Calamity Loan, Three months advance pension sa mga SSS at EC pensioners at ang Direct House Repair and Improvement Loan na tatagal ng isang taon kumpara sa tatlong buwan para sa Calamity Loan at Three months advance pension.


Talakayin muna natin ang hinggil calamity loan. Kinakailangan lamang na matugunan mo, Larry ang sumusunod na kondisyon:


· Ikaw ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36-buwanang kontribusyon, kung saan ang anim na hulog ay naibayad sa huling 12-buwan bago ang buwan ng pagpa-file ng aplikasyon;

· Naninirahan ka sa lugar na kabilang sa idineklara ng NDRRMC na nasa ilalim ng state of calamity;

· Mayroong account sa My.SSS;

· Hindi pa nabibigyan ng final benefit, tulad ng permanent total disability o retirement benefit;

· Walang outstanding na utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga naunang CLAP; at

·Nakarehistro ang UMID-ATM card, bank account na nasa bangkong kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) o Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Card sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) ina matatagpuan sa My.SSS.


Ang filing ng aplikasyon sa CLAP ay online gamit ang My.SSS. Kung ikaw naman ay empleyado ng kompanya, dapat isertipika ng iyong employer ang iyong CLAP application gamit din ang My.SSS. Samantala, tatanggap ng aplikasyon para sa calamity loan ang SSS mula Nobyembre 2, 2021 hanggang Pebrero 1, 2022.


Makahihiram ka, Larry ng katumbas ng average ng iyong monthly salary credit (MSC) sa huling 12-buwan na hindi hihigit sa P20, 000 o ang halagang inilagay sa iyong aplikasyon, kung alinman ang mas mababa rito. Ang monthly salary credit naman ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.


Ang nasabing pautang ay maaari mong bayaran ng installments sa loob ng 24-buwan.


Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang iyong calamity loan. Ito rin ay may interes na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran, na kinukuwenta sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24-buwan. Ang 1% na service fee ay hindi na ibabawas sa loan maliban sa interest na pro-rated mula sa petsa ng pag-apruba ng utang hanggang sa katapusan ng buwan bago ang unang amortisasyon.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page