ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 16, 2020
Dear Doc. Shane,
Hindi ko alam kung paano nagkaroon ng galis ang aking 9 years old na anak. Ask ko lang kung nakakahawa ba ito, dahil may mga kapatid siyang 6 years old at 9 months old. Meron ba akong puwedeng ilagay na mabisang gamot upang mawala ito? – Eloisa
Sagot
Ang pagkakaroon ng galis sa balat o scabies ay sakit na dulot ng impestasyon ng maliliit na kuto sa balat. Ito ay nagdudulot ng matinding pangangati sa balat at pagsusugat dahil sa sobrang pagkamot. Mabilis itong makahawa kung madidikit ang apektadong balat sa ibang balat (skin to skin contact), ngunit madali rin namang magamot kung mapapatay ang mga kutong naninirahan sa balat.
Ang pagkakaroon ng galis sa balat ay pangkaraniwang kondisyon na nakaaapekto sa maraming tao sa buong mundo. At wala rin itong pinipiling edad na maaapektuhan.
Ang pananalasa ng mga maliliit na kuto ay madalas sa mga bahaging tulad ng dibdib, tiyan, puwit, mga braso at kamay.
Narito ang ilan sa mga lunas sa galis:
Permethrin. Maaari itong gamitin sa balat mula leeg pababa sa katawan. Ito ay ipinapahid lamang sa mga apektadong lugar at iniiwan sa balat nang buong magdamag bago hugasan at kadalasan isinasagawa sa loob ng isang linggo.
Lindane. Ito ay parang lotion na ipinapahid sa apektadong balat. Tandaan, maaari itong madulot ng panginginig ng mga kalamnan (seizure) at ipinagbabawal sa buntis o sa nagpapasuso.
Ivermectin. Ito ay iniinom na gamot para sa ilang kondisyon ng pagkakaroon ng parasitiko sa katawan kabilang na ang pagkakaroon ng galis.
Crotamiton. Ito ay ipinapahid sa apektadong balat para sa mga matatanda. Hindi ito rekomendado sa balat ng mga bata.
Sulfur. Ito ay inihahalo sa cream na mabisa at ligtas na paraan para maalis ang pananalasa ng mga kuto sa balat.
Diphenhydramine. Maaari ring gumamit diphenhydramine upang maibsan ang pangangati na nararanasan.
Gayunman, makabubuti na ipakonsulta sa dermatologist ang balat ng bata, lalo na kapag nakararanas siya ng mas malalang sintomas.
Komentar