ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | June 28, 2022
Dahil sa COVID19, tila nakaligtaan ng mga Pinoy ang isa sa pinakakinatatakutang sakit na taunang mataas ang kaso sa bansa — ang dengue.
Ngunit kasabay nang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 kumpara nitong nakalipas na dalawang taon, marami na naman ang nakakaalalang ibayong mag-ingat laban sa kagat ng lamok na naglilipana ngayong tag-ulan. Ang mga buwan mula Mayo hanggang Oktubre o ang rainy season, ang panahon ng tag-ulan kung kailan pinakamaraming kaso ng dengue sa bansa.
Ngunit alam n'yo bang katapusan pa lang ng Marso ay iniulat na ng Department of Health (DOH) na tumaas ng 94% ang mga kaso ng dengue kumpara sa antas noong nakaraang taon?
Ayon sa DOH, ang naiulat na 11,435 na kaso ng dengue ay 94% na mas mataas kaysa sa mga kaso na iniulat noong 2021.
Samantala, kinumpirma naman ng Department of Health ng Central Visayas, ang pagtaas ng kaso ng dengue sa rehiyon at isa na anila itong “cause of concern” sa gitna ng tag-ulan. Dagdag oa ni Dr. Jaime Bernadas, DOH-7 regional director, na may pattern ng outbreak sa Visayas kung pagbabasehan ang mga datos noong 2016 at 2019 sa rehiyon.
Ang pinakakaraniwang sintomas ng dengue ay lagnat na may alinman sa mga sumusunod:
1. Pagduduwal o pagsusuka
2. Rashes o pagpapantal
3. Mga pananakit ng katawan kasama na ang pananakit ng mata, karaniwan sa likod ng mga mata, kalamnan, kasukasuan o pananakit ng buto.
4. Anumang babala o warning signs ng malalala o severe case ng dengue na karaniwang nagsisimula 24 hanggang 48-hours pagkatapos mawala ang iyong lagnat. Pumunta agad sa lokal na klinika o emergency room kung ikaw o miyembro ng pamilya ay may alinman sa mga sumusunod na warning signs:
- Sakit sa tiyan
- Pagsusuka (hindi bababa sa 3 beses sa loob ng 24 na oras)
- Pagdurugo mula sa ilong o gilagid
- Pagsusuka ng dugo, o pagkakaroon ng dugo sa dumi
- Pakiramdam ng pagod o pagiging iritable
Humigit-kumulang isa sa 20 katao na nagkakasakit ng dengue ay magkakaroon ng Severe dengue.
Ito ay maaaring magdulot ng shock, panloob na pagdurugo o internal bleeding at maging ng kamatayan. Ang mga sanggol at buntis ay nasa mas mataas na panganib na magkaroon ng malubhang dengue. Kung nagkaroon ng dengue sa nakaraan, mas malamang na magkaroon ng severe case ng dengue.
Kung kumpirmado na sa sakit na dengue, heto ang ilang tips upang mas mabilis na gumaling.
1. Uminom ng maraming tubig upang hindi maging dehydrated. Kabilang na sa liquids ang juice ng mga prutas at maging mga sopas. Iwasan ang mga inuming nakaka-dehydrate ng katawan kabilang ang tsaa, kape, mga alkohol at softdrink.
2. Uminom ng mga wastong gamot upang makontrol ang mga sintomas. Para sa lagnat at pananakit ng kasukasuan, uminom ng mga gamot na may generic name na paracetamol. Iwasan ang mga gamot na ibuprofen, aspirin at mefenamic na puwedeng magpalala ng pagdurugo. Kung nagkakaroon ng pagdurugo, mga pasa o pamamaga habang nagpapagaling mula sa dengue fever, makipag-ugnayan agad sa iyong doktor o nars.
3. Para sa mga makakating pantal, maaaring humingi ng reseta mula sa doktor kahit na ang mga pantal ay kadalasang nalulutas nang kusa sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.
3. Magpahinga sa bahay!
Magpatingin kaagad sa doktor kung magkakaroon ka ng alinman sa mga sumusunod na sintomas:
1. Nagsusuka ng dugo
2. Pagdurugo mula sa ilong o gilagid
3. Matinding pananakit ng tiyan
4. Patuloy na pagsusuka
5. Pagdurumi nang maitim
6. Hirap sa paghinga
7. Malamig na pawis.
Kahit madalas mahirap iwasan ang mga nakakaperwisyong lamok, maaari pa ring gumawa ng ilang paraan upang mabawasan ang tsansang makagat ng mga ito.
1. Gumamit ng mga insect repellents kahit nasa loob ng bahay. Huwag kalimutang magbentilador o aircon, kung kaya. Kung naka-screen naman ang mga pintuan at bintana, i-check na wala itong mga butas na puwedeng lusutan ng mga lamok.
2. Makipag-ugnayan sa mga barangay para pausukan o ifumigate ang inyong mga pamayanan, lalo na ang malalapit sa creeks at kanal, at sa may maraming halaman.
3. Kapag nasa labas ng bahay, magsuot ng mahabang manggas na kamiseta at mahabang pantalon.
4. Kung may espasyo, magtanim ng oregano plants na nakakabugaw ng mga lamok. Maaari ring magtanim ng mga tawa-tawa na sinasabing organic medicine laban sa dengue. Ayon sa inilathalang pag-aaral ng mga sa Journal of Tropical Medicine, natuklasang nagtataglay ang Tawa Tawa ng “significant antiviral and platelet increasing activities” na nagpapadali sa pag-recover mula sa sakit na ito.
Para sa inyong iba pang katanungan at kung may nais ibahaging tips, mag-email lang sa mathayrikki@gmail.com at i follow ang ating Facebook page na Rikki Mathay QC, at Instagram account na Rikki Mathay
Comentarios